Calendar
Asistio hihikayatin MMDA na gumawa ng komprehensibong masterplan
BILANG Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, hinihikayat ni Caloocan City 3rd District Representative Dean Asisitio ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para gumawa sila ng isang komprehensibong masterplan para sa drainage at water system para sa Metro Manila.
Ipinaliwanag ni Asistio na ang masterplan na kailangang balangkasin ng MMDA ay naglalayong magkaroon ng paghahanda at pagpaplano ang ahensiya sa tuwing bumubuhos ang napakalakas na ulan na nagiging sanhi ng mga pagbaha sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila lalo na ang mga naninirahan malapit sa ilog.
Ayon sa kongresista, taon-taon na lamang ay laging rumaragasa ang mga malalakas na bagyo na sinusundan ng mga pagbaha sa Kalakhang Maynila. Subalit sa laki ng pondong inilalaan para sa iba’t-ibang proyekto tulad ng flood control kasama na dito ang pagsasa-ayos ng mga kalsada at kanal. Tila hindi naging epektibo ang mga isinagawang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para masolusyunan at ma-address ang mga pagbaha sa National Capitol Region (NCR).
“Taon-taon na lang lagi tayong rinaragasa ng mga bagyo, taon-taon na lang laging binabaha ang Metro Manila. Pero sa laki ng pondong inilalaan natin sa iba’t-ibang proyekto gaya ng road and drainage, flood control projects. Tila hindi naging epektibo ang ibang mga proyektong isinagawa ng DPWH,” wika ng mambabatas.
Ipinahayag ni Asistio na maaaring hindi umaayon ang mga isinagawang proyekto alinsunod sa pangangailangan ng iba’t-ibang barangay o distrito sa Metro Manila habang ang kanilang lugar (Caloocan City) ay gumagawa na ng sariling “drainage master plan” sa pangunguna ni Mayor Ayong Malapitan para sa buong Lungsod.
Sinabi pa ng kongresista na mas maganda kung pangungunahan mismo ng MMDA ang paggawa ng drainage masterplan upang maging “uniform” ang nasabing inisyatiba hindi lamang sa isang barangay. Bagkos sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila para tuluyan ng ma-address ang problema ng mga pagbaha sa tuwing rumaragasa ang malakas na ulan at bagyo.
Paliwanag pa ni Asistio na mahalaga na maging pare-pareho o uniform ang gagawing masterplan sapagkat hindi parin maso-solusyunan ang problema ng mga pagbaha kung ang bawat distrito o Barangay sa NCR ay mayroong magkaka-iba at magkakahiwalay na drainage masterplan.
“Mas maganda kung pangungunahan ito ng MMDA para uniform yung study na gagawin at para iisang study na lang. Mahirap kasi kapag iba-iba ang mga researchers nila o iba-iba yung gumawa nung drainage masterplan natin. Hindi rin natin maso-solusyunan ang problema ng pagbaha sa Metro Manila,” sabi pa ni Asistio.
Sa katunayan sabi pa ni Asistio na ang unang “order of business” nito matapos siyang maluklok bilang Chairman ng Komite ay ang paghahain ng House Resolution na humihikayat sa MMDA na gumawa ng isang komprehensibong masterplan sa buong NCR.

