Pasig Source: Pasig River Coordinating and Management Office – PRCMO

PBBM itinatag OPAPRR para sa rehab ng Pasig River

348 Views

MAY bagong pag-asa ang Ilog Pasig. Isang bagong tanggapan ang binuo upang mangasiwa sa rehabilitasyon at pagpapaunlad nito.

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglikha ng Office of the Presidential Adviser on Pasig River Rehabilitation (OPAPRR) sa pamamagitan ng Executive Order (EO) No. 92 upang masiguro ang epektibo at agarang pagpapatupad ng mga programa para sa muling pagsasaayos ng Ilog Pasig.

Sa ilalim ng EO 92 na inilabas noong Agosto 13, pamumunuan ng Presidential Adviser for Pasig River Rehabilitation (PAPRR) ang OPAPRR. Ang tagapayo ay itatalaga ng Pangulo at magkakaroon ng ranggo at benepisyong katumbas ng isang Kalihim.

Isa sa mga pangunahing programa ni Pangulong Marcos ang pagbuhay muli sa Ilog Pasig sa pamamagitan ng inisyatibong “Pasig Bigyang Buhay Muli.”

Layunin ng proyekto na gawing makabago at kaaya-ayang commercial at tourist hub ang 25-kilometrong pampang ng ilog, na magtatampok ng mga parke, daanan ng bisikleta, lakaran para sa mga tao, at mga komersyal na espasyo.

Kabilang sa mandato ng OPAPRR ang pagbibigay ng payo sa Pangulo hinggil sa pagbuo at pagpapatupad ng mga polisiya, plano, aktibidad, at programa para sa Ilog Pasig. Responsable rin ito sa pagsubaybay, koordinasyon, at pag-uugnay ng lahat ng inisyatiba na may kaugnayan sa urban development ng ilog.

Inaatasan din ang OPAPRR na subaybayan ang pagsunod sa mga kautusang pampanguluhan para sa rehabilitasyon, pagpapaunlad, at panunumbalik ng kalinisan ng mga pampang ng Ilog Pasig at ng kabuuang sistema ng tubig nito.

Makikipagtulungan ang OPAPRR sa mga kagawaran ng pamahalaan, mga ahensya, at mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno (GOCCs), at hihikayatin din ang mga LGU at pribadong sektor na makiisa sa rehabilitasyon.

Kailangan ding magsumite ang OPAPRR ng dalawang ulat bawat taon sa Pangulo tungkol sa kalagayan ng implementasyon ng EO 92.

Pinirmahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin para sa Pangulo, ang EO 92 ay muling nag-ayos sa Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development (IAC-PRUD) upang masiguro ang ganap na rehabilitasyon ng mga pampang ng Ilog Pasig at mga kalapit nitong daluyan ng tubig.

Ang Presidential Adviser for Pasig River Rehabilitation ang magsisilbing tagapangulo ng Konseho, samantalang ang tagapangulo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang magiging pangalawang tagapangulo.

Kabilang sa mga miyembro ng IAC-PRUD ang mga Kalihim ng: Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Tourism (DOT),Department of Transportation (DOTr),Department of Finance (DOF), at Department of Budget and Management (DBM). PCO