Panatag

Mayor Wes nakipagpulong para wala nang baha sa Valenzuela

Edd Reyes Aug 23, 2025
259 Views

PINULONG ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang mga opisyal ng local government, dalubhasa at kinatawan ng bawat komunidad noong Sabado para talakayin ang mga paraan upang mapababa ang epekto ng pagbaha.

Inorganisa ang meeting matapos ang matinding pagbaha dahil sa mga bagyong Crising, Dante, at Emong na dahilan upang magdeklara ang alkalde ng state of calamity.

Kabilang sa mga napagpulungan ang inilunsad na Tinig ng Barangay na direktang malalapitan ng mga residente upang ipaabot sa alkalde ang sitwasyon nila kapag may baha, paglikha ng Task Force Kalinisan at Oplan Balik Linis Ganda at pagpapadami at rehabilitasyon ng mga pumping stations lalu na sa Balangkas, Poblacion, Polo, Isla, Wawang Pulo, Coloong at Marulas.

Inilatag din ni Mayor Wes ang paglalaan ng pondo sa mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng Panatag Water Catchment sa McArthur Highway sa Brgy. Dalandanan, pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan at ang pagpasok sa kasunduan sa the University of the Philippines Resilience Institute at NOAH Center.

“Sisiguraduhin natin na kalidad ang gagamitin sa ating flood control projects at hindi substandard.

Hindi ito negosyo, ito ay para sa ikapapanatag ng bawat Valenzuelano; long term solution, hindi band-aid solutions. Kasama kayo sa solusyon,” pagtiyak ng alkalde.