Calendar
Parak na senglot pinasayaw 2 mag-utol, tiklo
NAHAHARAP sa patung-patong na kaso ang umano’y lasing na pulis na may ranggong patrolman matapos ireklamo ng magkapatid na teenager dahil biglang pumasok sa bahay nila at pilit silang pinasayaw noong Sabado.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas AGP, 16; at John, 19, ng Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City. Bandang alas-6:25 ng gabi noong Biyernes nangyari ang insidente sa tahanan ng biktima.
Nasa loob ng kanilang bahay ang mga biktima nang biglang pumasok ang pulis na noo’y lasing.
Habang may hawak na baril, pinilit umano ng pulis ang mga biktima na sumayaw habang bukas ang TV ng mga biktima.
Nang makaalis na ang pulis, agad nagtungo ang mga biktima sa Novaliches Police Station 4 at ini-report ang insidente.
Rumesponde sina P/SSg Frederick Yap at P/SSg Dexter Ronquillo at inaresto ang pulis bandang alas-12:08 ng hatinggabi noong Sabado sa kanyang tirahan.
Kinumpiska sa pulis ang kanyang service firearm na 9mm pistol na may dalawang magazines at kargado ng 30 bala.
Nahaharap sa kasong grave threats, grave coercion at paglabag sa RA 7610 ang nasabing pulis.

