Fake

BI agents hinarang pasaherong may pekeng OEC

Jun I Legaspi Aug 23, 2025
290 Views

NA-intercept ng Bureau of Immigration (BI) agents ang lalaking pasahero na nagtangkang lumabas ng Pilipinas gamit ang pekeng Overseas Employment Certificate (OEC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), papunta sa Hong Kong sakay ng Cebu Pacific noong Agosto 15 sa NAIA Terminal 3 nang ma-flag ang kanyang mga dokumento para sa beripikasyon ang lalaki.

“Ipinakita niya ang isang OEC na nagsasabing siya ay may trabaho bilang administrative officer sa Hong Kong,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado. “Sa pagsusuri, agad na natuklasang peke ito at orihinal na ibinigay sa ibang tao.”

Hindi pinayagang makasakay ang pasahero at kasalukuyang iniimbestigahan.

Pinaniniwalaang nakuha ang pekeng dokumento mula sa mga ilegal na nagbebenta online na tumatarget sa mga nagnanais magtrabaho sa ibang bansa.

Nagbabala si Viado na ang paggamit ng pekeng dokumento ay hindi lamang paglabag sa batas kundi naglalagay rin sa panganib sa mga biyahero sa posibleng pagsasamantala at human trafficking.