Oducado

Front-of-package warning sa pagkain, iminungkahi ni Oducado

349 Views

IKINABAHALA ni neophyte 1-TAHANAN Party-list Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit at nagiging obese lalo na sa hanay ng kabataan dahil sa pagkahilig sa mga unhealthy foods.

Dahil dito, inihain niya ang panukalang batas na naglalayong maglagay ng “front-of-package” warning sa mga nabibiling pagkain gaya ng tsitseria at iba pa.

Layunin ng House Bill (HB) No. 2660 na magkaroon ng malinaw na babala sa mga pakete o labels ng iba’t ibang produktong pagkain tulad ng tsitseria, delata, instant noodles, processed foods at iba pang kahalintulad na produkto.

Aniya, ang mga babalang ito ay magsisilbing paalala sa mga consumers, lalo na sa mga bata, na ang kanilang binibiling produkto ay may mataas na fat, sodium, at sugar.

Paliwanag ni Oducado, pangunahing layunin ng panukalang batas na ito ang ma-regulate ang ganitong klase ng mga produkto upang mapangalagaan ang kalusugan ng kabataan na sa ngayon ay labis na nahuhumaling sa mga pagkaing hindi mabuti para sa katawan.

Sinabi ni Oducado na ang labis na pagkain ng unhealthy foods ang nagiging ugat ng mga Noncommunicable Diseases (NCDs) gaya ng cancer, cardiovascular diseases, diabetes at chronic respiratory diseases.

Tinatayang 68% ng mga namamatay ay dahil sa mga nasabing sakit, at obesity ang kinikilalang pangunahing sanhi o key factor ng NCDs sa bansa, ayon kay Oducado.

Binanggit din ng kongresista na nakababahala ang mabilis na pagtaas ng kaso ng overweight at obesity sa mga batang edad 5 hanggang 10 taong gulang—mula 5.7% noong 2003 hanggang 12.9% nitong 2023.

Binigyang-diin niya na tila hindi naaabot ng bansa ang target ng “Plan of Action for Nutrition” para sa 2023–2028 upang maresolba ang problema ng overweight at obesity, at posibleng lumala pa ito hanggang 2030 kung hindi agad makakapaglatag ng nararapat na solusyon.

Dagdag pa ni Oducado, nagiging mas “vulnerable” ang mga Pilipino sa pagkakaroon ng NCDs dahil sa pagdami ng mga prepackaged food products na naglalaman ng mataas na sodium at sugar.

Isa rin aniya sa mga dahilan ng patuloy na pagkonsumo ng mga unhealthy foods ay ang mga advertisement na walang sapat na nutrition information hinggil sa mga sangkap ng produkto.

Giit ni Oducado, tungkulin ng estado na pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan, lalo na ng kabataan.

Idinagdag nito na mahalagang magkaroon ng malinaw na warning labels sa mga nabibiling pagkain upang mapaalalahanan ang publiko hinggil sa mga sangkap na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan.