Calendar
Malacañang tiniyak matatag suplay, presyo ng bigas
TINIYAK ng Malacañang nitong Miyerkules na magpapatupad ang pamahalaan ng iba’t ibang hakbang upang mapanatiling matatag ang presyo ng bigas sa pagpasok ng 60-araw na ban sa rice importation sa susunod na linggo.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing, magsasagawa ang Department of Agriculture (DA) ng price monitoring upang matiyak ang pagpapatupad ng itinakdang suggested retail price (SRP) ng bigas.
Bukod sa lingguhang nationwide rice monitoring, sinabi ni Castro na nakikipag-ugnayan din ang DA sa mga stakeholder—kabilang ang mga magsasaka, miller at trader—upang maiwasan ang pagmamanipula sa presyo ng bigas.
Tiniyak din ni Castro na sapat ang suplay ng bigas, lalo’t nagsisimula na ang panahon ng anihan.
“Pa-start na nga rin po ang harvest season. Kaya dito po natin nakikita na sapat ang suplay ng bigas mula sa ating mga lokal na magsasaka. Kaya wala pong nakikitang malaking problema ang DA pagdating sa suplay ng bigas,” ani Castro.
Matatandaang iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 60-araw na suspensyon ng rice importation simula Setyembre 1, bilang tugon sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay.
Layon ng kautusan na protektahan ang lokal na magsasaka na labis na naapektuhan ng mababang presyo ng palay ngayong anihan.
Ayon sa ulat ng DA, ang pagdami ng ani ng bigas sa buong mundo, ang pagtanggal ng rice export ban ng India, at ang record-high na 9.08 milyong metric tons ng palay na naani ng Pilipinas sa unang kalahati ng taon ay siyang nagpapababa sa presyo ng bigas sa merkado. PND

