Jinggoy

Senado ibinunyag seryosong banta sa bansa ng mga espiya

223 Views

IBINUNYAG ng Senado ang seryosong banta sa bansa sa ginagamit na istilo ng mga espiya, matapos lumabas sa isang pagdinig na may mga banyagang operatiba na malayang nakapasok sa Pilipinas, nakalusot sa hanay ng mga sibilyang volunteer, at nakapagtayo ng sopistikadong kagamitan para sa pagmanmanan o tiktikan na malapit sa mahahalagang pasilidad ng pamahalaan.

Sa pagtalakay ng panukalang Anti-Espionage and Foreign Interference Act, binigyang-diin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hindi na sapat ang Espionage Act na ipinatupad pa noong World War II. “There is no denying that spies, enemies of the state, and hostile elements are here and have embedded themselves in our society. Hence, we need to upgrade and fortify our capacity to secure our land and our people,” aniya.

Ipinahayag ni Senador Panfilo Lacson na mula Mayo 2024, umabot na sa 19 katao ang naaresto dahil sa hinalang espiya: 16 Chinese nationals, dalawang Pilipino, at isang Cambodian. Marami sa kanila ang nahuli malapit sa Malacañang, Camp Aguinaldo, at Villamor Air Base. Ngunit iginiit ni Lacson na hindi dapat matapos sa simpleng pag-aresto ang aksyon ng mga awtoridad. “The whole network of espionage operations must be dismantled… agents come and go. If we stop at arrests, sleeper cells will simply replace them,” aniya.

Inamin ng National Bureau of Investigation (NBI) na isa sa pinakamalaking butas ay ang paggamit ng mga chartered flights, kung saan hindi dumadaan sa karaniwang screening ang mga pasahero at bagahe. “Nobody inspects their luggage,” babala ni Lacson, at iginiit na dito nakakapasok ang mga banyagang operatiba at mga kagamitan sa espiya. Ayon sa NBI, nakatuon lamang sila sa backtracking matapos ang mga pag-aresto at hindi sa pre-entry inspection.

Kabilang sa mga nakumpiskang kagamitan ang IMSI catchers para makialam sa komunikasyon, LiDAR scanners na may multi-camera setup, detalyadong topographic maps, solar-powered drones, at underwater sensors. Binigyang-diin ni Senadora Risa Hontiveros na hindi ito hiwa-hiwalay na insidente kundi palatandaan ng mas malawak na banta. “This is not just about gadgets. It is about funding, coordination, accountability, and proper vetting. Ang soberanya natin hindi lang nakasukat sa teritoryo. Nasa pag-aalaga rin ito sa dangal ng ating mga institusyon,” aniya.

Sa Coast Guard Auxiliary naman, lumitaw na 36 Chinese nationals ang nakapasok bilang miyembro, at isa nga dito ay si Joseph See—na umabot pa sa ranggong Auxiliary Commodore bago siya natanggal sa listahan.

Sa naturang pagdinig,inamin ng Philippine Coast Guard (PCG) na dati’y mahina ang kanilang vetting process. “During that time there were no perceived threats. But now we see tahimik na pagsalakay into our security environment,” ayon kay Captain Fernandez, na nangakong mas mahigpit na ngayon ang pagsusuri. Babala ng mga senador: kahit simpleng social events o pakikihalubilo ay maaaring gamiting pagkakataon ng mga espiya upang makakuha ng impormasyon.

Ibinunyag din ang pangamba sa mga donasyong teknolohiya mula China gaya ng computers, CCTV, at telecom systems. Nagbabala si Senador Raffy Tulfo na maaari itong magsilbing “Trojan horses” kung may naka-install na malware. Kinuwestiyon niya kung bakit tinatanggap ng AFP, PNP, at mga lokal na pamahalaan ang mga donasyong ito nang walang sapat na seguridad. Isinama rin sa usapin ang Chinese telecom tower na nakatayo mismo sa loob ng Camp Aguinaldo at ang ₱1 bilyong halaga ng military engineering equipment na donasyon noong 2022, kabilang ang drones, x-ray machines, at bomb disposal robots.

Hindi lamang pisikal na paglusot ang binabantayan. Ayon sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA), minomonitor rin daw nila ang mga social media influencers at bloggers na nagkakalat ng pro-Beijing propaganda sa TikTok at Facebook, gamit ang pekeng entertainment o news pages bago ipasok ang mensahe. Binanggit din ng mga senador ang pagpasok ng ilang Chinese teachers sa bansa gamit ang 9G visas, na posibleng may kaugnayan sa batas ng China na nag-oobliga sa kanilang mamamayan na tumulong sa state intelligence.

Nagbabala naman ang Department of Justice laban sa malabong depinisyon sa panukalang batas. “If it’s too broad, it may impair constitutional rights or criminalize dissent.

We must be precise,” giit ng mga opisyal. Nakatakdang kriminalisahin ng consolidated bill ang pagmamay-ari ng espionage equipment, ituring na predicate offense para sa money laundering ang espiya, payagan ang court-approved wiretaps at surveillance, at magpataw ng habambuhay na pagkakabilanggo at multang aabot sa ₱20 milyon.

Nag-init ang sesyon nang punahin ng mga senador ang kawalan ng mga pinuno ng ilang ahensya na dapat anila ay humarap sa pagdinig lalot ito ay tumutukoy sa seguridad ng bansa. Iginiit ni Estrada na dapat personal na humarap ang mga cabinet secretaries sa mga ganitong pagdinig. Itinakda niya ang susunod na hearing sa Setyembre 16, 2025. “If you are a cabinet secretary, you must be here. Otherwise, our enemies will exploit every inch of our negligence,” babala niya.

Sa kabuuan, malinaw anila ang larawan: mga hindi na-iinspeksyong private jets, mga sibilyang organisasyong na-infiltrate, mga donasyong teknolohiyang maaaring Trojan horse, at banyagang propaganda sa social media.

Binigyang-diin ng mga senador ang agarang pangangailangan ng isang modernong batas upang mapalitan ang luma at hindi na epektibong balangkas na magtatanggol sa Pilipinas—sa lupa, dagat, cyberspace, at mismong mga institusyon nito.