Calendar
Lalaki nakitang nakagapos, nakabusal, patay sa loob ng QC hotel
NAGLUNSAD ng manhunt ang pulisya laban sa dalawang suspek na huling nakitang kasama ng lalaki bago siya matagpuang patay at nakagapos pa ang magkabilang kamay at paa at may busal sa bibig sa loob ng isang hotel sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima na si alyas “Sotelo”, 38, binata, at residente ng Marikina City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:12 ng gabi nitong Huwebes (August 28), nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng hotel na matatagpuan sa Annapolis St., Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City
Batay sa imbestigasyon ni P/SSG Angel T Pascasio III, lumalabas na regular guest sa nasabing hotel ang biktima at halos isang linggo na itong nanunuluyan doon.
Noong Agosto 26, bandang 8:00 ng gabi, ang biktima, kasama ang mga suspek, ay nag-check in sa Room 543.
Kinabukasan, Agosto 27, mga 7:30 ng gabi, tinawagan ng receptionist ng hotel na si alyas “Rowena” ang mga naka-check in sa Room 543 upang ipaalam na natapos na ang kanilang oras.
Kasunod nito, nagpasya umanong lumipat ang biktima at ang mga suspek sa Room 310.
Nang matapos na ang oras, tinawagan ni Rowena ang mga naka-chek in sa Room 310 upang ipaalam na malapit na muling matapos ang kanilang inilaang oras ng pananatili.
Pero nang walang sumasagot ay nagpasya ang hotel room attendant na si alyas Danilo kasama ang guwardiya na si alyas Melchor na puntahan ang silid ng biktima.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagkatok sa pinto, nang wala pa ring sumasagot ay nagpasya na silang buksan ang pintuan gamit ang duplicate na susi.
Nang mabuksan ang pinto ay bumungad sa kanila ang wala nang buhay na katawan ng biktima, na nakagapos ang magkabilang kamay at paa gamit ang extension wire at may busal na tela ang bibig nito.
Agad na iniulat ang insidente sa mga awtoridad para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon.
Dumating ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/Maj. Michael Jael at sa pagsusuri ay nakasamsam sila sa Room 310 ng ilang mga syringe, isang vial, at mga tableta.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang tinutugis pa ang dalawang kasama ng biktima na nag-chek in sa hotel.

