Masahista Source: PNP file photo

2 armadong suspek ninakawan 13 masahista, 2 ginahasa

Edd Reyes Aug 30, 2025
277 Views

HINALAY ng dalawang armadong suspek ang dalawa sa 13-babaing masahista na kanilang pinagnakawan sa isang massage spa Biyernes ng madaling araw sa Pasay City.

Kilala na mga pulis ang isa sa dalawang suspek na si alyas “Ashley”, 23, residente ng Pasay City, makaraang ituro ng mga biktima sa e-rogue gallery ng kapulisan na isang electronic database na larawan ng mga kriminal na nasangkot na sa iba’t-ibang uri ng krimen.

Kasalukuyan na siyang tinutugis ng pulisya, pati na ang kanyang kasabuwat, na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Sa ulat ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto kay Southern Police District (SPD) Acting District Director P/BGen. Randy Arceo, naganap ang insidente dakong alas-12:55 ng madaling araw sa Cabrera St. Brgy. 140 kung saan nagta-trabaho ang mga masahistang biktima.

Kapuwa armado ng hindi tukoy na kalibre ng baril ang mga suspek nang puwersahang pasukin ang lugar na tinutuluyan ng mga biktima na nasa edad na mula 22 hnggang 33-anyos, at isa-isang pagnakawan ng kani-kanilang gadget, cash, at personal na gamit.

Nang makursunadahan ng mga suspek ang dalawang massage therapist na kapuwa may edad na 22-anyos na itinago sa alyas “Rose” at “Lina”, hinalay nila ang mga ito bago tumakas, sakay ng isang puting Honda Click na motorsiklo, patungo sa hindi nabatid na lugar.

Nagresponde naman kaagad ang technical investigation team ng Special District Forensics Unit ng SPD sa lugar na pinangyarihan ng pagnanakaw at panghahalay at nakakuha ng ebidensya na isasalang sa forensic examination.

Nagsasagawa na ng backtrackingat forward tracking sa mga kuha ng CCTV ang pulisya na makakatulong para sa padakip nila sa mga rapist na kawatan.