Bangayan nina Chua, Yorme Isko tapos na

Edd Reyes Aug 30, 2025
274 Views

YormeTAPOS na ang bangayan nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at 3rd district Congressman Joel Chua matapos dalawin ni Cong. Chua, kasama sina Congressmen Ernix Dionisio at Irwin Tieng si Mayor Moreno noong Sabado upang ilahad ang kanilang inisyatiba sa kani-kanilang distrito.

Nagpasalamat ang alkalde sa mga mambabatas dahil magandang hakbang tungo sa maunlad na pamayanan at pamumuhay ng mga Manilenyo ang gesture nila.

Ayon pa sa alkalde, hangad niyang mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo sa mga taga-Maynila sa pamamagitan ng pagtutulungan ng lokal at pambansang pamahalaan.

Nagsimula ang batuhan ng akusasyon ni Mayor Isko at Chua dahil sa paggiba sa mga itinayong barangay hall sa bangketa na ang ilan ay umokupa pa ng kalahating metro ng kalsada na pinondohan ni Cong. Chua.

Si Cong. Chua rin ang nagpondo sa pagpapatayo ng multi-purpose building ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nag-ugat para sampahan ng kaso ng Maynila ang contractor dahil sa walang demolition at building permit nang gibain ang mga istrakturang pag-aari ng Maynila sa Alvarez St., Sta. Cruz.