Pangilinan

Pangilinan sa mga ahensiya: Sagip Saka plano ipakita muna

265 Views

MATAPOS bigyan ng matinding babala ang mga nasa sa likod ng pananamantala at pagwawalang bahala sa kapakanan ng mga lokal na magsasaka at mangingisda, matapang na inihayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na hindi niya basta-basta aaprubahan ang budget ng mga ahensya ng gobyerno kung hindi sila makakapagpakita ng malinaw na plano para sa pagpapatupad ng Sagip Saka Act na aniya dapat bigyan ng puwang para sa kapakanan ng mga ito.

Iginiit din ni Pangilinan na ang batas na ipinasa noong 2019—na siya mismo ang may-akda—ay naglalayong bigyang kapangyarihan ang mga national at local government units na bumili ng ani mula sa mga magsasaka at mangingisda nang direkta at walang public bidding.

“Kaya kung may mga nanonood na department heads ng mga ahensya ng gobyerno sa national eh maghanda kayo sumagot sa tanong ko,” sabi ng senador na pinamumunuan din ang Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform.

Dagdag pa niya:

“Anong plano nyo para bumili under this law—direkta na bumili from farmers and fisherfolk? At kapag wala kayong plano eh hindi ko ipapa-approve, ide-defer ko budget nyo hanggat may plano kayo.”

Ayon sa kanya, kapag naisakatuparan nang maayos ang batas, makatutulong ito na pababain ang presyo ng pagkain, patatagin ang supply chain, tiyakin ang food security, at taasan ang kita ng mga magsasaka at mangingisda.

Tinukoy ni Pangilinan na kabilang sa mga dapat magpatupad nito ang mga state universities and colleges, pampublikong ospital at rural health clinics, mga piitan, at ang Department of Social Welfare and Development para sa relief at social aid programs.

Nais ng senador na masimulan na ang pagbili ng mga ani bago ang Pasko upang matiyak na may dagdag na kita ang mga magsasaka at mangingisda sa kapaskuhan.

“It can be done. It should be done and we’re pushing it,” giit ni Pangilinan.