Calendar
Obesity krisis sa kalusugan, banta sa kaunlaran
NAGHAIN si Sen. Jose “Jinggoy” Estrada ng Senate Bill No. 899 o ang “Anti-Obesity Act,” na naglalayong maglunsad ng inisyatiba upang tugunan ang obesity at ang malubhang epekto nito sa kalusugan at ekonomiya.
Iminumungkahi ng panukalang batas ang pagbuo ng National Anti-Obesity Prevention and Control Program na pamumunuan ng Department of Health (DOH) katuwang ang Department of Education (DepEd), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Science and Technology (DOST).
Inaasahang magiging aktibo rin ang mga lokal na pamahalaan, NGOs at mga People’s Organizations sa pagpapatupad at pangangasiwa ng kampanya.
Sasaklawin ng programa ang mga kampanya para sa pampublikong edukasyon, konsultasyon sa mga health center, regulasyon sa pagma-market ng pagkain, at mga programang pangkalusugan sa mga paaralan. Inaatasan din ng batas ang pagtataguyod ng mga kapaligirang nag-uudyok ng pisikal na aktibidad at madaling akses sa masusustansyang pagkain, partikular sa mga komunidad at paaralan.
Ipinunto ni Sen. Estrada na ang obesity ay isang “public health challenge” na may malawak na epekto.
“Despite ongoing health initiatives, the absence of a focused, national legislation specifically targeting obesity prevention and control has hindered a unified, strategic response to this epidemic,” aniya.
Batay sa mga ulat ng World Health Organization at UNICEF, halos 40% ng mga nakatatandang Pilipino ay overweight o obese na.
Sa mga bata, nakakabahala rin ang trend: isa sa bawat 10 batang may edad 5 hanggang 10 ang apektado, habang ang bilang ng obese na kabataan ay tripled na sa nakalipas na dalawang dekada.
Ayon sa mga eksperto, kabilang sa mga pangunahing sanhi ay ang pagbabago sa pagkain, sedentary lifestyle, pagma-market ng pagkain sa mga bata, at limitadong espasyo para sa ligtas na paglalaro.
Isang pag-aaral ng UNICEF noong 2025 ang nagbunyag na halos lahat ng pagkain para sa sanggol at bata na ibinebenta sa mga tindahan sa Pilipinas ay may added sugar. Sa kabilang banda, patuloy pa ring pino-promote ng social media ang mga hindi masustansyang pagkain sa mga pamilya.
Ayon sa mga health advocate, kinakailangan na ang agarang aksyon dahil hindi lamang ito isang krisis sa kalusugan, kundi maging isang banta sa ekonomiya at lakas-paggawa ng bansa sa hinaharap.
Tinukoy din sa panukalang batas ang mga tungkulin ng mga pangunahing ahensya. Ang DepEd ay inaatasang isama ang obesity prevention sa curriculum ng mga paaralan, habang ang mga LGU ay kailangang magpasa ng mga ordinansa at maglaan ng pondo para sa lokal na kampanya.
Tutulong naman ang mga NGO at akademikong institusyon sa pagpapakilos, edukasyon, at pagsubaybay ng mga gawain.
Ang pondo para sa programa ay manggagaling sa kasalukuyang alokasyon sa ilalim ng General Appropriations Act, at isasama sa pambansang badyet sa mga susunod na taon.
Ang mga LGU naman ay inaasahang tustusan ang pagpapatupad sa lokal na antas gamit ang kanilang Internal Revenue Allotment at iba pang pondo.
Ang panukalang batas, na inihain noong Agosto 5, 2025, at ipinasa sa Senate Committees on Health and Demography, Local Government, at Finance, ay naglalatag ng pambansang estratehiya upang tugunan ang tinutukoy nitong isang “alarming public health challenge.”

