Calendar
60-day suspensyon ng pag-angkat ng bigas simula na Setyembre 1
IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pansamantalang pagsuspinde sa pag-aangkat ng regular at well-milled na bigas sa loob ng 60 araw, mula Setyembre 1 hanggang Oktubre 30, 2025, sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 93 na may petsang Agosto 29.
Ayon sa EO, ang suspensyon ay base sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) upang maprotektahan ang sektor ng agrikultura sa bansa.
“Alinsunod sa rekomendasyon ng DA, ang pag-aangkat ng regular milled at well-milled rice ay pansamantalang sinuspinde. Hindi saklaw ng suspensyon ang mga specialty rice varieties na hindi karaniwang pinapalaki ng mga lokal na magsasaka,” ayon sa Pangulo.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na maaaring paikliin o palawigin ang panahon ng suspensyon depende sa rekomendasyon ng DA, Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), at Department of Trade and Industry (DTI).
Inatasan ang DA, DEPDev, at DTI na magsagawa ng pulong sa loob ng 30 araw mula sa pagsisimula ng EO upang suriin ang epekto ng suspensyon sa suplay at presyo ng bigas sa bansa. Inatasan din silang magsumite ng pinagsamang rekomendasyon sa Pangulo sa loob ng 15 araw matapos ang kanilang pagpupulong.
Ayon sa ulat ng DA noong Agosto 8, nagkaroon ng malaking pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado dahil sa malakas na lokal na produksyon sa unang bahagi ng taon at sa malakihang pagdating ng imported na bigas bunsod ng mababang taripa.
“Kailangan umanong isuspinde ang importasyon ng regular milled at well-milled rice sa loob ng 60 araw, na tatapat sa panahon ng anihan, upang matulungan ang lokal na merkado na tanggapin ang ani ng mga magsasaka, patatagin ang presyo, at bigyan ng patas na kita ang mga magsasaka,” nakasaad sa EO.
Batay sa Republic Act 12078, Seksyon 3, may kapangyarihan ang Pangulo na pansamantalang ihinto o ipagbawal ang pag-aangkat ng bigas kung may labis na suplay ng lokal o inangkat na bigas na nagdudulot ng labis na pagbaba ng presyo sa merkado.
Inatasan ni Pangulong Marcos ang DA, katuwang ang Bureau of Customs at DTI, na agad maglabas ng mga patnubay sa pagpapatupad ng kautusan, kabilang ang koordinasyon sa mga kaukulang ahensya at pagpapatibay ng mekanismo para sa pagsubaybay at pagpapatupad. PCO

