Calendar
Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.
Abante: Davao nabigyan ng P51B infra pondo pero binabaha pa rin
ANG Davao City ay may alokasyong P51 bilyong pondo para sa imprastruktura, kabilang ang flood control, noong termino ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, subalit patuloy pa rin ang pagbaha sa lungsod, ayon kay Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr.
“I think he received P51 billion in the three years that he was a congressman during his father’s time,” ani Abante sa panayam ng Bilyonaryo TV noong Biyernes ng gabi, na tumutukoy kay Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte.
Aniya, ang malaking halaga ay inilaan noong ikalawang bahagi ng anim na taong termino ng dating pangulo.
Nagpahayag si Rep. Duterte na walang bumagsak na flood control structures sa Davao City. Ngunit sinabi ni Abante, “Well, that is very good, no? But I was told that there are about 250 areas in Devao City that actually were flooded. I do not know kung humuhupa agad ‘yun, no. But it is flooded.”
Nilinaw ni Abante na hindi niya inaakusahan si Rep. Duterte. “Ako naman, hindi ko naman siya inaakusahan ng anong bagay. I have never accused him of any ghost project. I have never accused him of any substandard project,” aniya.
Gayunman, binatikos ni Abante ang pahayag ng kapatid ni Rep. Duterte, si acting Davao City Mayor Sebastian Duterte, na ang imbestigasyong iniutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ukol sa mga palpak na flood control projects ay isang “PR stunt” lamang.
Ani Abante, bakit hindi tanungin ng acting mayor ang kanyang kapatid na congressman kung ano ang nangyari sa bilyong pisong infrastructure funds, kasama na ang flood control, na inilaan sa Davao City noong administrasyon ng kanilang ama.
“I was just telling the public na ‘yung kanyang kapatid na acting mayor was actually blaming the administration na ito this is a PR stunt lang. So sabi ko, why don’t you talk to your brother who received that much amount of money to find out what happened to the flood control projects that he had; P51 billion ‘yan,” giit ni Abante.
Ayon kay Abante, ang imbestigasyon sa flood control ay pangungunahan ng multi-committee panel sa Kamara sa pamumuno ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, na siya ring chairman ng House committee on public accounts. Magsisimula ito sa Martes at saklaw nito ang Davao City at iba pang lugar sa Mindanao.
“I would be thinking that he’s going to start with Benguet… or Bulacan… then he goes to Davao City, gano’n naman ang mangyayari sa pinaguusapan namin,” ani Abante.
Inaasahan din ni Abante ang pangako ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na pangalanan ang mga senador at kongresista na umano’y tumatanggap ng malalaking komisyon mula sa mga kontratista ng flood control projects.
Aniya, plano ng mga komite na imbitahin si Magalong.
“I would like to tell Mayor Magalong that maghintay ka lang, because your time (to testify before the House) will come actually,” sinabi ni Abante.

