Calendar
Sen. Raffy sa BOC Com: Brokers’ accreditation ayusin
IMINUNGKAHI ni Sen. Raffy Tulfo sa bagong hepe ng Bureau of Customs (BoC) na ayusin ang accreditation unit ng ahensya na sumasala ng mga brokers na nangangasiwa sa imports at exports ng agricultural products.
Sa hearing ng Senate Committee on Agriculture noong Lunes, isiniwalat ni Sen. Raffy na may info siyang natanggap na may mga pekeng brokers na naaaprubahan kapalit ng lagay.
“Tapos ang gagamitin nila, mga dummy – minsan pangalan ng drayber, bodegero o kasambahay nila,” dagdag niya.
Marami rin umanong nakakalusot na smugglers ng agricultural products na ang address ng kumpanya ay sa puno lang ng acacia o kung saan-saan lang, aniya.
Nangako si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno kay Sen. Tulfo na tututukan nila ang accreditation unit at gagawin ang mga nararapat na hakbang.
Inirekomenda ni Sen. Raffy kay Nepomuceno na gawing face-to-face ang sistema sa application ng mga brokers at siguruhing magpapakita ang mga ito ng mga dokumento gaya ng sapat na kapital at mga lisensya para tiyaking qualified talaga sila maging broker.

