Calendar
Budget ng edukasyon dapat pinakamalaki–Sen. Ping
NANAWAGAN si Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa executive department ng gobyerno na tiyakin na ang pinakamataas na prayoridad sa badyet ay para sa sektor ng edukasyon kasabay ng babala laban sa pag-ulit ng kontrobersyal na budget realignment.
Sinabi ni Lacson kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na “major, major” issue kapag lumabis ang sinumang mambabatas sa Constitution.
Para sa 2025, nakakuha ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng badyet na P1.007 trilyon—mas mataas kaysa sa P977.6 bilyon para sa sektor ng edukasyon.
Sa ilalim ng Konstitusyon, kabilang sa sektor ng edukasyon ang Department of Education (DepEd), State Universities and Colleges (SUCs), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Bilang tugon sa batikos, isinama ng DBM sa sektor ng edukasyon ang ilang institusyong hindi nakasaad sa mensahe ng Pangulo ukol sa badyet—tulad ng Local Government Academy, Philippine National Police Academy, Philippine Public Safety College, National Defense College of the Philippines, Philippine Military Academy, Philippine Science High School System at Science Education Institute.
“Bakit natin pinayagan na maungusan ng DPWH ang budget ng education sector? Worse, I hate to say this, kayo, accessory after the fact, jinustify nyo ang ginawang milagro sa Kongreso, binawasan ang education sector,” reklamo ni Lacson.
Iginiit ni Pangandaman na hindi malinaw sa Konstitusyon kung anu-ano ang bumubuo sa sektor ng edukasyon.
Pero ayon kay Lacson, malinaw sa budget message ng Pangulo para sa 2026 na ang DepEd, SUCs, CHED at TESDA lamang ang sakop nito.
Pinaalalahanan ni Lacson ang DBM na maging consistent at huwag nang pahintulutan ang pag-ulit ng nasabing pangyayari.
Hinikayat din niya ang mas malapit na koordinasyon sa pagitan ng lehislatura at executive, lalo na sa bicameral conference committee kung saan nagaganap ang malalaking pagbabago sa badyet.
“Pakibantayan ninyo na lang especially sa bicam. We know nandiyan ang pinakamalaking mga culprits.
I won’t mention names pero nandiyan lumalabas ang katakot-takot na realignments,” dagdag niya.
Bilang panukala, iminungkahi ni Lacson na kung muling bawasan ng Kongreso ang badyet ng edukasyon upang paboran ang DPWH o ibang ahensya, dapat i-veto ng Pangulo ang sobrang halaga.

