Pic2 Ang unang regular meeting ng House committee on higher and technical education (CHTE) ng 20th Congress ay ginanap nitong Lunes sa Kamara de Representantes sa Quezon City. Ang CHTE ay pinamumunuan ni Tingog Party-list Rep. Jude A. Acidre.

Acidre ipinahayag malawakang reporma sa CHTE meet ng 20th Congress

327 Views
Pic3
Sina Tingog Party-list Reps. Jude Acidre at Andrew Romualdez
Photos courtesy of TINGOG Party-list

PINANGUNAHAN ni Tingog Party-list Rep. Jude A. Acidre ang unang pagpupulong ng House committee on higher and technical education (CHTE) ng 20th Congress nitong Lunes, kung saan inilatag niya ang isang malawak na agenda ng reporma na layong imodernisa at baguhin ang landscape ng mas mataas at teknikal na edukasyon sa bansa.

Sa 69 na miyembro at mahigit 300 panukalang batas na na-refer na, ang komite na pinamumunuan ni Acidre ang isa sa pinakamalaki at may pinakamabigat na trabaho sa Kamara.

Binigyang-diin ni Acidre na ang kanilang trabaho ay magkakaroon ng pambansang epekto, na huhubog sa mga oportunidad para sa mga estudyante, guro, at mga institusyon sa mga state universities and colleges, pribadong higher education institutions, at mga programa ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Sa organizational at unang regular na pulong ng komite, inilahad ni Acidre ang isang 10-point agenda na nakabatay sa: modernisasyon ng Commission on Higher and Technical Education (CHED) Charter, pagpapalawak ng access at equity, pagtanggap sa digital transformation, pagpapatibay ng quality assurance, pagsusulong ng lifelong learning, pagsasama ng work-integrated learning, modernisasyon ng TESDA, pamumuhunan sa faculty at pananaliksik, pagtataguyod ng public-private complementarity, at pagtatanggol sa kapakanan ng mga estudyante.

Sinimulan na rin ng komite ang pagtalakay sa unang batch ng mga prayoridad na panukala, kabilang ang paglikha ng mga bagong kolehiyo ng medisina sa mga state universities, integrasyon ng financial literacy sa mga technical-vocational programs, at mga amyenda sa mga charter ng unibersidad upang palakasin ang governance at inclusivity.

Si Acidre, na co-chair din ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ay nag-anunsyo na magpupulong ang komisyon sa linggong ito upang isabay ang mga reporma sa basic at higher education.

“So let us begin this Congress with energy and unity,” ani Acidre sa kanyang mga kasamahan. “Let us build a higher and technical education system that is inclusive, innovative, and truly responsive to the needs of our people.”