Calendar
Sen. Jinggoy natukoy: Construction firms ni Discaya magkakalaban sa bidding
SIYAM na construction companies na pag-aari umano ng mag-asawang sina Sarah at Pacifico II Discaya ang lumahok sa mga public bidding para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), ayon kay Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Napaamin ni Estrada si Sarah at nagpatibay ang pag-amin sa mga alegasyon ng sabwatan at iregularidad sa pag-award ng mga DPWH flood control projects.
“Si Alpha and Omega (General Contractor and Development Corp.) at St. Gerrard (Construction and Development Corp.), hindi po sila sumasali sa isang bidding.
Pero ‘yung ibang licenses, magkakasama sila minsan,” ayon kay Sarah.
Bukod sa Alpha and Omega General Contractor and Development Corp. at St. Timothy Construction Corp.—na kabilang sa top 15 contractors na tinukoy ni Pangulong Marcos na kumorner ng pinakamaraming flood control projects, inamin ni Sarah na may beneficial interest din siya sa mga sumusunod na construction firms na nakakuha ng government contracts para sa flood control projects: St. Gerrard Construction and Development Corp., St. Matthew General Contractor and Development Corp., Elite General Contractor and Development Corp., Amethyst Horizon Builders and General Contractor and Development Corp., YPR General Contractor and Construction Supply Inc., Great Pacific Builders and General Contractor Inc., at Way Maker One Person Corp.
Ayon sa citizen portal na www.sumbongsapangulo.ph, na naglilista ng lahat ng umano’y natapos na flood control projects, mahigit 400 government contracts na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P30 bilyon mula 2022 hanggang sa kasalukuyan ang napunta sa siyam na construction firms na pag-aari ng mga Discaya.
“So minsan naglalaban-laban ‘yung siyam?” tanong ni Estrada, na sinagot ni Sarah ng “oo.”
“That is not a legitimate bidding. Dahil ‘yung siyam na ‘yon na naglalaban-laban sa isang kontrata, iisa lang ang may-ari. So kahit sino doon, kahit sinong manalo sa bidding na ‘yon, ikaw ang panalo. Dahil sa’yo lahat ‘yon,” diin ni Estrada sa naging pag-amin ni Sarah.
Binigyang-diin pa ni Estrada na ang mga iregularidad na ito ay sumisira sa transparency at accountability, at sa huli ay nanloloko sa taumbayan na dapat ay makikinabang sa tapat at mahusay na serbisyo publiko.
Inamin din ni Sarah na may 28 luxury vehicles ang kanyang pamilya na binili mula sa mga luxury car importers na Frebel Enterprises at Autoart Luxury Cars na may kabuuang halagang halos P200 milyon.
Kabilang sa car collection nila ang Rolls Royce Cullinan, P42 milyon; Mercedes Benz Maybach, P22 milyon; Bentley Bentayga P20 milyon; Mercedes Benz-AMG Wagon G63 P20 milyon; at marami pang iba.

