Calendar
P270B flood control project ilaan sa lugar na bahain, kundi burahin na lang — Bam
NAGBABALA si Senador Bam Aquino na dapat tanggalin ang buong P270-bilyong pondo para sa mga flood control project sa panukalang 2026 national budget kung hindi ito direktang ilalaan sa mga lugar na tunay na binabaha.
“If that is not corrected. Kung hindi iyon ayusin base sa talagang pinaka-flood prone areas. My inclination is to just delete the whole (flood control) budget,” ani Aquino sa pagdinig ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ukol sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Aquino, ang responsibilidad ng pagbubuo ng isang makatotohanan at batay-sa-pangangailangang flood control budget ay ngayon nasa kamay ni bagong Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, na pumalit kay Manuel Bonoan.
“The challenge I posed to him (Bonoan) and now will be the challenge of Secretary Dizon is to come back to the Senate before the end of the budget and to come up with a real flood control budget.
Hindi iyong naka-divide based on districts, but naka-allocate based on true needs and true flooding problems,” dagdag ni Aquino, na vice chairperson ng Senate Committee on Finance.
Kapag nakapaglatag ng malinaw at makatuwirang plano ang DPWH, sinabi ni Aquino na maaaring mailipat ang sobrang pondo sa iba pang pangunahing sektor gaya ng edukasyon at kalusugan.
“We know, we have our classroom problems, we have internet connectivity problems in our schools. Marami tayong problema sa eskuwelahan natin. Definitely, the education budget needs to be supported further,” aniya.
Binanggit din ng senador ang kahalagahan ng dagdag na suporta sa Universal Healthcare Law, na isinulong ni Senador JV Ejercito, upang matiyak ang ganap at tamang implementasyon nito.
Hinimok din ni Aquino ang pamahalaan na gamitin ang kaalaman ng mga siyentistang Pilipino sa pagbuo ng mga science-based na flood control measures at ilaan ang pondo sa mga climate resiliency project na tunay na makapagliligtas ng buhay at makakapanalipod sa mga komunidad.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang maglaan ng pondo para sa integrated at scientific na solusyon upang matugunan ang ugat ng problema sa pagbaha—mula sa imprastruktura hanggang sa epekto ng climate change—sa halip na magsayang ng bilyon-bilyong piso sa mga hindi epektibong proyekto.

