Calendar
Pagbuo ng independent commission pinuri ni Sen. Ping
“TAMA lamang!”
Ito ang buong suportang ipinahayag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa inisyatibo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magtatag ng isang independent commission upang siyasatin ang mga umano’y anomalya sa mga proyektong flood control at iba pang infrastructure ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Para kay Lacson, ito ay tamang hakbangin ng Punong Ehekutibo upang walang bahid ng kulay at pagdududa ang imbestigasyon na ito lalo’t marami aniyang pangalan na idinadawit at kailangan aniyang mabigyan ng liwanag ang taumbayan kung sino-sino ang mga nanamantala sa kaban ng buwis.
“Many will be watching the result of the independent investigation of the commission. The projected composition is to the hilt, and is potentially extensive and comprehensive enough to pinpoint accountability,” pahayag ni Lacson sa isang panayam sa DZRH nitong Martes.
Ipinunto ng senador na ang magiging tagumpay ng komisyon ay nakasalalay sa kakayahan nitong magpatupad ng karampatang parusa sa mga mapatutunayang sangkot.
“But as someone who came from law enforcement, delivering the certainty of punishment is key. If we don’t see anyone being punished, there will be those who will be emboldened to engage in corruption,” aniya pa.
Gayunpaman, binigyang-puri ni Lacson ang pasya ng Pangulo at tinawag itong isang “mabuting hakbang.” Nagpahayag rin siya ng kahandaang tumulong sa anumang paraang kinakailangan.
“In my capacity and with all the information we have so far gathered, I will extend whatever assistance I can offer, if requested―especially so that the DPWH has a dynamic, progressive-minded and reform-oriented head in the person of Sec. Vince Dizon,” dagdag niya.
Kaugnay nito, kinatigan din ni Lacson ang posibilidad na maisama si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa bubuuing komisyon, na ayon sa kanya ay makapagdaragdag ng tiwala at integridad sa imbestigasyon.
Ikinuwento rin ng senador na una nang nag-alala si Magalong na baka kailangan niyang bumitiw bilang alkalde, ngunit nalinaw na ang isyung ito.
“Magalong’s concern was that he could not leave his constituents behind if he had to resign as mayor. But an agreement has been reached where he does not need to resign. After all, his post and the independent commission are under the executive branch,” paliwanag ni Lacson.
Matatandaang noong nakaraang Agosto, inilahad ni Lacson sa kanyang privilege speech ang ilang isyu ng iregularidad, kabilang na ang mga substandard at “ghost” projects na may kaugnayan sa DPWH flood control program.
Samantala, inanunsyo ng Pangulo nitong Lunes na kasalukuyang isinasapinal ng Malacañang ang isang executive order para opisyal na maitatag ang naturang komisyon. Inaasahang magiging independent ito at bubuuin ng maraming miyembro.
Sa panig ng Palasyo, inilahad ni Marcos na patuloy na lumilitaw ang mga iregularidad sa panukalang pambansang budget para sa taong 2026.
Ayon sa mga ulat, ang komisyon ay bubuuin ng mga abogado, piskal at forensic investigators upang matiyak na magiging malalim, patas at walang kinikilingang imbestigasyon ang isasagawa.

