Lacson Sen. Panfilo “Ping” Lacson

Sen. Ping pinuna konting bilang ng local dev’t projects sa NEP

198 Views

NADISMAYA si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mababang bilang ng local development projects na naisama sa panukalang pambansang budget para sa 2026.

Batay sa datos mula sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), 19.9 porsiyento lamang ng mga panukala mula sa mga Local Development Council (LDC) ang isinama sa National Expenditure Program (NEP).

“Napansin ko na naman ang (project ng) Local Development Council na in-adopt sa NEP, 19.9 percent. Parang nababalewala ang local development plans,” ani Lacson.

Inaasahan umano niyang aabot sa 30 hanggang 40 porsiyento ng NEP ang mga local development program. Isa sa mga dahilan ng mababang adoption, ayon sa kanya, ay ang iskedyul ng pagsusumite dahil karaniwang Oktubre pa inihahain ang mga panukala, samantalang tapos na ang budget call na nagsimula noong Enero.

Ang LDCs, ayon sa Local Government Code, ay inaatasang bumuo ng mga development plan at magrekomenda ng mga prayoridad na proyekto sa barangay, bayan, lungsod at probinsiya.

Layunin nito na maging “bottom-up” ang pagpaplano, kung saan nakabatay sa aktuwal na pangangailangan ng komunidad ang mga proyekto.

Samantala, ang mga Regional Development Council (RDC) naman ang pinakamataas na policy-making body sa rehiyon. Binubuo ito ng mga gobernador, alkalde, regional line agency directors at mga kinatawan ng pribadong sektor upang matiyak na tugma ang mga lokal na prayoridad sa pambansang plano.

Dahil dito, iminungkahi ni Lacson na tapusin ng RDCs ang kanilang mga panukala bago matapos ang Disyembre at isumite agad sa Department of Budget and Management (DBM).

Binigyang-diin niya na nasa mabuting posisyon ang RDCs upang bumuo ng komprehensibong programa dahil kabilang dito ang mga gobernador na nakakaalam ng pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan, gayundin ang mga kinatawan mula sa DBM at Department of Economy, Planning and Development.

Aniya, kung kikilalanin at bibigyang-halaga ang kanilang mga panukala, sapat na ang ganitong balangkas upang matiyak ang tugma at komprehensibong pagbuo ng pambansang budget.