Calendar
Ang dalawang kotseng nakumpiska mula sa mga Discaya.
Source: Alfred Dalizon
2 kotse nakumpiska, 10 pang SUV ituturn-over ng mga Discaya
DALAWANG sasakyan na ng mag-asawang Discaya ang nakumpiska nitong Martes ng hapon: ang itim na Toyota LC300 3.3 V6 ZX AT SUV (2024) na may plate no. NKJ-7876 at Maserati Levante Modena (2022) na kulay Grigio Maratea na may plate no. NBL-3381.
Ito ay matapos na nagsanib puwersa ang Bureau of Customs (BOC) at ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at nagsilbi ng search warrant Martes upang kumpiskahin ang hindi bababa sa 12 mamahaling sasakyan ng mag-asawang Discaya, na kabilang sa mga iniimbestigahan dahil sa umano’y ill-gotten wealth mula sa mga kuwestyunableng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Inatasan ni PNP Acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. si Col. Hansel M. Marantan, bagong talagang hepe ng PNP-HPG, na tiyaking maayos na makumpiska ang mga target na sasakyan.
Ayon kay Col. Marantan, ang search warrant ay inilabas ni Judge Carolina Icasiano-Sison ng Manila RTC Branch 18 dahil sa paglabag sa Section 1401 (h) kaugnay ng Section 102 (f) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang raid ay isinagawa sa tahanan ng mag-asawang Cesarah Rowena at Curlee Discaya sa F. Manalo Street kanto ng J. Pueblo Street, Barangay Bambang, Pasig City.
Napagkasunduan sa pagitan ng BOC Searching Team at ng kampo ng mga Discaya na ang natitirang 10 mamahaling sasakyan na nakasaad sa warrant ay ihahatid sa compound ng St. Gerrard Construction sa hapon ng Miyerkules bilang pagpapatuloy ng implementasyon ng search warrant.
Ang dalawang nasabing luxury vehicles na positibong sakop ng warrant ay agad na kinordonan at minarkahan ng BOC. Pansamantala itong iniwan sa lugar habang hinihintay ang pinal na desisyon ukol sa mga ito.
Sa pahayag ng BOC:
“Ang BOC ay mahigpit na nagbabantay at sumusuporta sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ni Senator Rodante Marcoleta, tungkol sa umano’y anomalya sa mga flood control project. Bahagi rin ng usapin ang mga mamahaling sasakyan ng pamilyang Discaya.”
Dagdag pa nito:
“Anumang iregularidad sa importasyon ng luxury vehicles — gaya ng maling deklarasyon o hindi pagbabayad ng tamang buwis at duties — ay isasailalim sa enforcement actions sa ilalim ng CMTA.”
Ang mga sasakyang sakop ng search warrant ay:
Toyota Tundra 2022 – pula, Plate No. NIE 1015
Toyota Sequoia – orange, Plate No. NIO 1576
Rolls Royce Cullinan 2023 – itim, Plate No. NIC 8889
Mercedes AMG SUV 2022 – matte black, Plate No. NIE 1976
Mercedes Benz G 500 SUV 2019 – puti, Plate No. NBO 7000
Toyota LC300 SUV – itim (black mica), Plate No. NKJ 7876
Lincoln Navigator SUV 2021 – puti, Plate No. NGU 6032
Bentley Bentayga – asul, Plate No. NIE 1777
Cadillac Escalade ESV 2022 – puti, Plate No. NEP 7785
GMC Yukon Denali SUV 2022 – puti, Plate No. NEV 9287
Lincoln Navigator 2024 – puti, Plate No. NHE 1576
Maserati Levante Modena 2022 – kulay Grigio Maratea, Plate No. NBL 3381
Inatasan ng Manila court ang mga awtoridad na isagawa ang paghahanap anumang oras ng araw o gabi, sa loob ng 10 araw mula sa pag-isyu ng search warrant. Kailangan ding isagawa ang operasyon sa presensya ng barangay chairman o sinumang kinatawan nito. Ipinag-utos din na gumamit ng body-worn camera at alternative recording device para sa dokumentasyon ng mga pangyayari.
Pagharap ni Rowena Discaya sa Senado
Noong Lunes, humarap si Rowena Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan kinuwestiyon siya ni Senator Jinggoy Estrada ukol sa kanyang mga kontrata sa DPWH at koleksyon ng mamahaling sasakyan.
Nang tanungin kung totoo bang bumili siya ng Rolls-Royce dahil sa payong na kasama nito — gaya ng nabanggit niya sa isang viral na video — sinagot niya:
“Sir, yes po.”
Ibinunyag din niyang binili nila ang Rolls-Royce sa halagang ₱42 milyon.
Sa ilalim ng pagtatanong ni Sen. Estrada, inamin din niya ang sumusunod na presyo ng ilan pa nilang luxury vehicles:
Mercedes Benz G63 – ₱20 milyon
Cadillac Escalade (white) – ₱11 milyon
Cadillac Escalade (black) – ₱8 milyon
Chevrolet Suburban (used) – ₱3 milyon
Range Rover Autobiography – ₱16 milyon
Range Rover Defender – ₱7 milyon
Range Rover Evoque – ₱5 milyon

