Nakaw Kinilala ni PLt. Col. Gilbert Cruz ang suspek na nangbasag ng salamin ng kotse at nagnakaw ng laptop na Maynila.

Namitik ng laptop sa sasakyan arestado

Jon-jon Reyes Sep 2, 2025
207 Views

TIKLO sa mga elemento ng Manila Police District (MPD) ang 48-anyos na lalaki dahil sa pangnenenok ng laptop sa sasakyan na binasag niya ang bintana sa parking area ng Tutuban Centermall sa Dagupan St., Tondo, Manila noong Linggo.

Ayon sa report ni Police Lieutenant Colonel Gilbert Cruz, hepe ng MPD Moriones Police Station 2, bandang alas-6:00 ng gabi ng mangyari ang insidente na kagagawan ni alyas Carleng.

Ayon sa salaysay ng biktima na si Anne Gonzales, 23, nakaparada ang kanyang sasakyan sa loob ng mall para bumili ng wedding gown.

Pagbabalik niya bandang alas-7:30 ng gabi, basag na ang kanang bintana ng kanyang sasakyan at nawawala din ang kanyang laptop.

Nagsagawa ng follow-up operation sina PSMS Mark Joseph Vergara, PMSg Gerald Coronel, PSSg Ric Carlo Dela Cruz, PSSg Raymond Morfe, PSSg Ryan Rueda, PSSg Jomar Cruz at PSSg Danilo Villegas..

Nagtungo ang grupo sa Brgy. 254 at sa Tindalo St., Tondo, Maynila at doon nakita ang suspek sa labas ng kanyang bahay na may bitbit na kulay abong laptop bag.

Narekober ang laptop bag na naglalaman ng ninakaw na HP laptop ng biktima.

Sa pag-aresto, nakuhanan ng isang cal .38 revolver at 2 bala ang suspek.