Calendar
Source: PIA file photo
Pitong-buwang buntis pinagsasaksak ng ka-live in
KRITIKAL ang pitong-buwang buntis na ginang nang pagsasaksakin ng kalive-in na umano’y sabog sa bawal na droga Linggo ng makapananghali sa Navotas City.
Isinugod sa Navotas City Hospital ng kapatid na lalaki ng kanyang kinakasama ang 18-anyos na si alyas “Marie” habang naaresto naman kaagad ni P/CMS Roberto Santillan ng Navotas Police Station ang suspek na si alyas “Kevin”, 32, na umano’y nahuhumaling sa ilegal na droga.
Lumabas sa isinagawang imbestigasyon ni Pat. Noriza Panogalinga na habang naliligo ang biktima sa banyo ng kanilang tirahan sa 334 B. Cruz St. Tangos North pasado alas-12:00 ng tanghali, biglang pumasok ang suspek na armado ng patalim at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang biktima sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at leeg.
Nagsisigaw na humingi ng saklolo si alyas Marie at nang banggitin ang salitang “Love”, dito lang itinigil ng suspek ang pananaksak kaya’t nakatakbong palabas ng banyo ang biktima.
Sumaklolo naman ang lalaking kapatid na suspek na nagsugod sa biktima sa pagamutan matapos humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Ayon sa pulisya, sinabi ng suspek na tila may bumubulong sa kanya na gawin ang krimen at hindi niya alam na kinakasama niya ang kanyang nasaksak.
Patuloy namang ino-obserbahan ng mga doktor ang kalagayan ng biktima, pati na ang sanggol sa sinapupunan, habang sasampahan ng kasong frustrated homicide in relation to Anti Violence Against Women and their Children Act ang suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.

