Calendar
Ligtas mga Koreano sa Maynila–Mayor Isko
TINIYAK ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa embahada ng Korea ang kaligtasan sa Malate Koreatown para sa kapanatagan ng mga turista, negosyante ar residenteng Koreano sa lugar.
Binitiwan ni Mayor Domagoso ang pangako sa congratulatory luncheon na itinaguyod ni Korean Ambassador to the Philippines Lee Sang-hwa at ng Manila Koreatown Association noong Martes ng tanghali.
Sa naturang kaganapan, inilahad ng ambassador ng Korea na dalawa ang alalahaning nais iparating sa alkalde–ang kaligtasan at seguridad sa Korean community.
Ayon pa kay Ambassador Lee, naghahanda ang embahada ng Korea ng pagsusulong ng Malate tourism para sa mga Korean nationals at ang katatagan ng lugar aniya ang magsisilbing susi upang makaakit ng maraming turista at mamumuhunan.
Inutos ni Mayor Domagoso sa Manila Police District (MPD) na paigtingin ang police visibility sa lugar upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
“We assure you, the Korean embassy, of a safe and secure Malate Koreatown in Manila for Korean tourists, investors, businessmen and citizens,” pagtiyak ng alkalde na labis na ikinatuwa ni Ambassador Lee na pumuri pa sa “open door policy” ng lokal na pamahalaan.
Sinabi ng alkalde na uunahin kaagad nila ang paglalagay ng mga street lights sa Malate upang maging maliwanag ang Koreatown at maging ligtas hindi lamang ng mga naninirahan sa lugar kundi maging ang mga pumupunta at nagtatrabaho sa lugar.

