Calendar
Vietnamese na Dr. Kwak Kwak nasakote ng NBI
Vietnames hinuli sa paggawa ng cosmetic procedure ng walang lisensya
INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan ng Dangerous Drugs Division (NBI-DDD) ang isang Vietnamese national sa Maynila dahil sa umano’y ilegal na pagtuturok at pagbibigay ng serbisyong medikal nang walang kaukulang lisensya.
Nakilala ang suspek bilang alias Hoang, na gumagamit din ng alyas na “Van Pahm” at “Doc. Yen.” Nahuli siya sa ikinasang entrapment operation matapos mag-alok ng cosmetic treatment sa halagang P105,000 kahit walang pahintulot mula sa mga awtoridad.
Batay sa imbestigasyon, ilang Vietnamese nationals umano ang nagsasagawa ng cosmetic procedures at nagbebenta ng gamot nang walang lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC) at Food and Drug Administration (FDA). Nang kumilos ang mga tauhan ng NBI-DDD, nakumpirma nilang totoo ang mga ulat at agad nagsagawa ng operasyon.
Nabigo si “Doc. Yen” na magpakita ng Professional Identification Card (PIC) mula sa PRC, gayundin ng Certificate of Registration (COR) at License to Operate (LTO) mula sa FDA.
Kakasuhan ang suspek sa paglabag sa iba’t ibang batas kabilang ang Medical Act of 1959 (R.A. 2382), Cybercrime Prevention Act of 2012 (R.A. 10175), Consumer Act of the Philippines (R.A. 7394), Food and Drug Administration Act of 2009 (R.A. 9711), at Philippine Pharmacy Act (R.A. 10918).
Pinuri ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago (Ret.) ang matagumpay na operasyon at pinaalalahanan ang publiko na maging maingat sa pagpili ng mga cosmetic at medikal na serbisyo, at tiyaking lisensyado ang mga gumagawa nito.

