Museum

Preserved na katawan ni Mali ilalagay sa Nat’l Museum

Edd Reyes Sep 11, 2025
255 Views

NAKATAKDANG ilipat sa National Museum ang preserved na katawan ni Mali, ang elepanteng nanirahan ng halos limang dekada sa Manila Zoo, ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

Layunin ng pag-display sa national museum na mapanatili ang alaala ni Mali at matiyak na mapapangalagaang mabuti ang kanyang labi sa ilalim ng pangangasiwa ng mga taxidermist o preservationist.

Sa pagbisita ni National Museum Director General Jeremy Barns sa tanggapan ng alkalde, sinabi ni Mayor Isko na buo ang kanyang tiwala sa kakayahan ng museo na mapapangalagaan ang preserved na katawan ni Mali.

“We have a very good museum, bigay ko na sa’yo si Mali. Tutal andun si Lolong, then you have Mali.

Then we can immortalize the memories of the oldies today who had very good experiences with Mali in their younger years—na they can still see Mali in a controlled environment, well protected by our scientists and preservationists,” sabi ni Mayor Isko kay Barns.

Ayon sa alkalde, mas kampante siyang iwanan si Mali sa pangangalaga ng National Museum dahil kulang sa kakayahan ang lokal na pamahalaan ng sapat na teknolohiya at pantustos upang maayos na mai-preserba ang labi ng elepante.

Tinanggap ni Director General Barns ang desisyon ng alkalde.

Nauna ng umani ng atraksiyon sa National Museum ang ipriniserbang labi ni Lolong na naitala na noon sa Guinness World Records na pinakamalaking buwaya na nabuhay sa mundo bago namatay noong Pebrero 10, 2013.