Calendar
Yorme Isko pinasalamatan PBBM sa pagpapalawak ng programang pangkalusugan
SIMPLENG pag-awit ng “Happy Birthday” ang handog ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang pasasalamat sa pagpapalawak ng programang pang-kalusugan sa lungsod.
Sa kanyang pahayag, lubos na nagpasalamat ang alkalde sa Pangulo, sa Department of Health (DOH) at sa PhilHealth sa patuloy na pakikipag-partner sa lungsod na dahilan ng kahandaan ng kanilang mga pampublikong ospital at health care centers na nasa ilalim ni Dr. Grace Padilla, ang OIC ng City Health Office.
Binanggit ni Mayor Domagoso ang pinakahuling pagbubukas nila ng President Corazon C. Aquino General Hospital o ang Baseco Hospital na tatlong taong nakatengga at hindi napapakinabangan ng libo-libong residenteng nangangailangan ng kalingang pangkalusugan sa lugar na aprobado ng DOH at PhilHealth..
“Kahit gipit tayo, hindi ako titigil. Galing ako sa wala, nakaraos ako, kaya iraraos ko din kayo, mga batang Maynila,” sabi ng alkalde.
Isa-isang binanggit ng alkalde ang pasilidad na pangkalusugan ngayon sa Maynila tulad ng diagnostic sa Ospital ng Maynila MRI, CT scan mammogram, ultrasound, X-ray, at ang kauna-unahang cardiac catheterization laboratory.
Sa suporta aniya ng DOH at katuwang nilang mga ospital, umaasa siya na kalaunan ay ihahandog na rin nila ang libren angioplasty, lalu na’t ang sakit sa puso ang pangunahin pa ring ikinasasawi ng marami.
Hinimok din ng alkalde ang bawa’t Manileño, bata at matanda, mayaman at mahirap, na magparehisto sa PhilHealth dahil lahat sila ay sakop nito sa ilalim ng Universal Health Care Law.
Sinabi ng alkalde na libre ang lahat ng makabagong pagsusuri ng mga pampublikong pagamutan sa Maynila, pati na ang pangangalaga sa kanilang ngipin.
“Libre angiogram, libre MRI, CT scan, ultrasound, mammogram,” pagtiyak pa ng alkalde.

