Edd Reyes

Pagpondo sa team building, Lakbay Aral, etc dapat tuldukan na

Edd Reyes Sep 17, 2025
396 Views

UUNGKATIN na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang biyahe sa Bangkok, Thailand ng may 667 na lider ng Sangguniang Kabataan (SK) sa Maynila.

Kung tutuusin, hindi lang naman first time na nangyari ang ganitong mga biyahe, hindi lang mga SK officials, kundi maging ng mga barangay chairmen at kagawad na kadalasang ginagamit ang terminong “Lakbay-Aral” at “team building” na ginagawa sa mga lugar na dinarayo ng mga turista tulad ng Boracay, Palawan, at iba pang bantog na lugar sa bansa.

Katuwiran ng mga opisyal, may budget talagang nakalaan para sa pagsasagawa ng ganitong mga aktibidad, tulad din ng pagba-budget ng mga lokal na pamahalaan sa bawa’t kagawaran at kawanihan para sa parehong aktibidad na kailangan nilang gastusin sa halip na ibalik ang pondo sa kaban ng bayan.

Uminit nga lang ang isyu sa biyahe ng mga SK officials dahil na rin sa ginawang pag-post sa social media ni SK Federation president Councilor Juliana Ibay ng larawan ng pagsakay nila sa elepante at ganun din sa bangka sa floating market sa Thailand na kaagad ding binura matapos umani ng batikos sa netizens na tumawag na isa itong pagliliwaliw.

Ikinatuwiran naman ng Manila SK Federation na ang biyahe ay paraan ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga batang opisyal sa pagtugon sa dumaraming kaso ng HIV sa bansa, katuwang ang St. Rober’t International College sa Thailand na aprobado daw ng DILG at ng pamahalaang lungsod. Bahagi rin daw ito ng patuloy na pagsasanay ng mga kabataan sa pamumuno na naaayon sa batas sa ilalim ng Sangguniang Kabataan Reform Act.

Sa naturang biyahe, umabot sa halos P35 milyong piso ang nagastos, kabilang ang P33,990 para sa pasahe sa eroplano, pagkain at tutuluyan at karagdagang P6,000 allowance kada araw ng 667 SK officials para sa tatlong araw na biyahe na ayon sa mga netizens ay mula sa buwis ng taumbayan.

Pati tuloy ang batas na ipinasa sa Kongreso kaugnay sa postponement ulit ng Barangay at SK election ay nauungkat dahil sa hinalang naa-abuso na ng mga nakaupong opisyal ang kanilang puwesto dahil siguradong tatagal pa sila ng isang taon sa posisyon.

Siguro, ito na ang magiging daan, para matuldukan na ang paglalaan ng pondo sa mga ganitong uri ng aktibidad na kung tutuusin ay pagwawaldas lang ng pera ng taumbayan .

Mga pabaya sa pagbabayad ng real property tax, binigyan ng amnestiya

MAY pagkakataon na ang mga nagpabaya o delingkwenteng tax payers sa Navotas City na bayaran ang buwis nila sa pag-aaring lupa ng hindi na papatawan ng karagdagang multa.

Nilagdaan na kasi ni Mayor John Rey Tiangco ang ipinasang ordinansang magkakaloob ng amnestiya sa mga hindi nagbayad ng real property tax at maging nakatiwangwang nilang lupa para makalikom ng pondo ang lokal na pamahalaang ilalaan sa pagkakaloob ng serbisyo.

Hindi naman kasama sa amnestiya ang mga loteng naka-subasta, may nakabimbing kaso sa korte, at ang hinuhulugang lupa na nakabatay sa kasunduan, pati na ang hindi updated na buwis sa lupang mayroong improvement o nakatayong istraktura.

Tatagal ng hanggang Hulyo 5 sa susunod na taon ang amnestiya kaya’t nanawagan si Mayor Tiangco sa mga residente na samantalahin ang amnestiya para magbayad ng real property tax.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com