Tulak Photo source: FB/PRO8

Higit P6.7M shabu nasabat sa 3 ‘tulak’ sa Leyte buy-bust

203 Views

TATLONG hinihinalang tulak ng droga ang naaresto matapos masabat ng mga awtoridad ang mahigit P6.7 milyon halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Tacloban City at Palo, Leyte nitong Lunes, Setyembre 15.

Sa Brgy. 66 Paseo de Legaspi, Tacloban City, timbog ang dalawang High-Value Individuals na sina alyas “Chris,” 35, self-employed, at alyas “Mark,” 21, driver. Umabot sa 988 gramo ng shabu ang nakumpiska sa kanila na may halagang P6,718,400.

Samantala, sa Brgy. Gacao, Palo, Leyte, isang Street-Level Individual na si alyas “Steph,” 48, tindero, ang nahuli rin sa buy-bust operation. Nakumpiska mula sa kanya ang 3.80 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng ₱25,840.00, kasama ang buy-bust money at mga gamit pangdroga.

Pinuri ni Regional Director PBGEN JASON L CAPOY ang mga operatiba sa kanilang tagumpay at sinabi: “I commend our operatives for their dedication and reaffirm PRO 8’s resolve to strengthen the fight against illegal drugs to ensure a safer Eastern Visayas.”

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang tatlong suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.