Calendar
Blue Ribbon Committee ipinapiit si Curlee dahil di maipakita ang ledger
INIUTOS ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ngayon ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang pagpipiit kay contractor Pacifico “Curlee” Discaya matapos nitong paulit-ulit na tanggihan ang pagsusumite ng ledger na ayon sa mga senador ay makapagbubunyag ng umano’y iregularidad sa mga flood-control project.
Si Lacson, na pumalit kay Sen. Rodante Marcoleta bilang chair ng komite ngayong buwan, ang nagpalabas ng subpoena para sa naturang dokumento at iginiit na hindi uusad ang imbestigasyon kung walang ebidensiya.
Pinuwersa ng mga mambabatas si Discaya na ilabas ang ledger na dati na niyang inamin na nasa kaniyang pag-iingat.
Sa pagdinig, diretsong tinanong ni Sen. Erwin Tulfo: “Nasaan po yung ledger, Mr. Discaya?” Inamin ni Discaya na hawak niya ito ngunit tumangging iprisinta, na nagsabing: “Baka magamit din po for self-incrimination po.”
Itinuro ng mga senador na taliwas ito sa nauna niyang liham kung saan humingi lamang siya ng panahon upang kumonsulta sa abogado.
Ipinunto ni Sen. Risa Hontiveros na kahit may abogado na sa pagdinig ay hindi pa rin naipakita ang ledger.
Giit ni Sen. Francis Pangilinan, napahina ng pabago-bagong paliwanag ang kredibilidad ng testimonya at nararapat na maging tapat at pare-pareho ang salaysay ng isang cooperating witness.
Muling tinalakay ng komite ang sinumpaang salaysay ni Discaya kung saan inamin niyang nagbabayad siya ng “SOP” na 10–25 porsiyento kaugnay ng mga proyektong pamahalaan.
Una’y umiwas siyang sumagot ngunit kalauna’y umamin kay Hontiveros: “Yes, Your Honor.”
Sa affidavit, binanggit niya ang ilang proyekto sa Quezon City kung saan umano’y may SOP na naibayad bago pa ang 2022, na nagpapahiwatig na matagal nang umiiral ang naturang sistema.
Iginiit ng mga senador na ito’y posibleng indikasyon ng isang entrenadong “tara system” sa iba’t ibang administrasyon.
Nainis si Lacson sa mga salungat na pahayag at nagtanong, “When will you stop lying?”
Bukod pa rito ay hindi tugma ang kanyang dahilan kung bakit Hindi nakasipot kanyang maybahay sa ibinigay na sulat sa blue ribbon kung bakit hindi ito makasisipot.
Matapos ang palitang ito, inihain ni Sen. Raffy Tulfo ang mosyon na i-cite in contempt si Discaya, na nagsabing, “This committee will not allow witnesses to play games with us.”
Agad itong inaprubahan ng panel. Sa ilalim ng contempt order, mananatili si Discaya sa kustodiya ng Senado hangga’t hindi siya tumutupad sa subpoena at naipapakita ang ledger o makapagbibigay ng katanggap-tanggap na paliwanag sa kaniyang pagtanggi.
Binigyang-diin ng komite na bagama’t may karapatan ang mga testigo, kailangan din ang kanilang kooperasyon upang matukoy ng Senado ang katotohanan sa umano’y katiwalian.
Nagpatotoo rin ang mga opisyal ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) na ang mga kompanyang konektado sa pamilya Discaya ay matagal nang lisensiyado at kamakailan lamang binawi ang kanilang rehistro.
Ayon sa mga senador, dahil sa pagkaantala ng regulasyon ay nakapagpatuloy sa pag-bid ang mga kompanyang may isyu bago at matapos ang 2022.
Muling iginiit ng mga senador na mahalaga ang ledger dahil ito’y makapagpapatunay o makapapabulaan sa mga testimonya na sa ngayon ay itinuturing na paikot-ikot at magkakasalungat.
Sa pagtatapos ng pagdinig, nanatili si Discaya sa kustodiya ng Senado at muling isinulong ng komite ang kahilingan para sa ledger.

