Senado

Mula Senado: Kung nasaan ang ebidensiya doon kami

242 Views

ANG umano’y pagtanggap ng mga sinibak na inhinyero ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng dambuhalang pera—kabilang ang ₱457 milyon sa isang delivery—ay maaaring palatandaan ng pagkakasangkot ng mas malalaking players sa kontrobersiya ng flood-control projects, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson sa isang panayam.

Kinuwestiyon ni Lacson kung bakit contractor ang nagbibigay ng cash sa mga inhinyero ng DPWH gayong sa tamang proseso ay DPWH ang dapat nagbabayad sa contractors matapos ang proyekto.

Tinukoy niya ang may-ari ng Syms Construction na si Sally Santos, na umamin sa pagdinig na nagdala siya ng pera kay dating DPWH Bulacan engineer Brice Hernandez nang hindi bababa sa tatlong pagkakataon ngayong taon.

“Kaya nakakapagtaka. Bakit ang contractor ang nagdadala ng cash sa district engineering office, gayong baligtad ang sistema—DPWH ang nagbabayad sa contractor kapag may natapos na proyekto,” wika ni Lacson sa DZBB. “Ano ang ₱457M na yan, anong mga proyekto ang sakop, at bakit cash?” dagdag niya sa DZRH.

Aniya, posibleng nabayaran na si Santos para sa mga proyekto ng Syms Construction ngunit ibinalik umano ang pera kay Hernandez. “Yan pa lang, napakalaking anomalya,” giit ni Lacson.

Sa nagdaang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, sinabi ni Santos na naghatid siya ng pera sa mga sumusunod na petsa at halaga: ₱457 milyon noong Marso 24, ₱141 milyon noong Mayo 6, at ₱65 milyon noong Mayo 23. Ayon kay Lacson, iniimbestigahan pa kung paano nahati ang pera. Idinagdag niya na ang pagtanggi ni dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara na makipagtulungan ay tila indikasyon na may “pinoprotektahan.” “Kung magsasalita si Alcantara, baka matunton kung sino ang nasa likod niya,” aniya.

Nagpahiwatig din si Lacson na maaaring may insider sa Department of Budget and Management (DBM) na makapagrekomenda sa Pangulo ng paglabas ng unprogrammed funds para sa flood-control projects. “You can suspect that,” tugon niya sa DZBB.

Iginiit din niyang mananatiling nakabatay sa ebidensya ang Senado sa imbestigasyon. “Hindi ako madi-distract. Ebidensya ang susundin ko, hindi kung saan gustong dalhin ng angry netizens.

Where the evidence takes us, doon kami,” sabi niya sa Balitanghali.