Calendar
Kelot dinampot, tinawag na ‘hitman’ ng sindikato ng droga
GRANADA, baril, at shabu ang bitbit ng wanted na suspek nang masakote ng pulisya sa nilipatang bahay Biyernes ng gabi sa Malabon City.
Hindi na pinaporma ng pinagsanib na puwersa ng Malabon Police Station Intelligence Section (SIS), Warrant and Subpoena Section (WSS), at Special Weapon and Tactics (SWAT) na pinangunahan ni P/Lt. Joselito Sunega ang akusadong si alyas Regie, 30, nang pasukin ang nilipatang bahay sa Block 2 Kadima, Brgy. Tonsuya na halos ilang metro lamang ang layo sa dati niyang tirahan sa Block 38 Kadima.
Sa ulat na tinanggap ni Malabon police chief P/Col Allan Umipig, alas-10:10 ng gabi nang matunton ang kinaroroonan ng akusado na wanted sa pamamaslang sa 50-anyos na babae na umano’y sangkot sa ilegal na droga noong Marso 23, 2025 sa Brgy. Tonsuya na nakuhanan pa ng CCTV sa lugar.
Ang akusado umano ang isa sa tumatayong “hitman” ng sindikato ng ilegal na droga na pumapatay sa mga hindi nagre-remit ng bayad at kinukuhanan pa ng larawan ang biktima matapos nilang paslangin bilang patunay na tapos na ang misyon.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas nitong Hulyo 17, 2025 ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Abraham D. Centino ng Branch 74 para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa.Nauna ng nadakip ang kasama niya noon ding naganap ang krimen.
Umaabot naman sa halagang P122,400 ang 18 gramo ng shabu na nasamsam sa akusado, pati na ang dalawang magazine ng kanyang bitbit na baril na may kabuuang nakakargang 13 bala.

