BSP

Ginawa ng BSP magpapahirap sa mga money launderer

261 Views

PINURI ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa pagtatakda ng P500,000 daily limit sa cash withdrawals na ayon sa senador makapagpapahirap sa mga money launderer na gawin ang modus nila.

Ayon sa BSP Circular No. 1218, series of 2025, itinatakda ng BSP na ang lahat ng cash transaction na lalampas sa ₱500,000—o katumbas nito sa foreign currency—dapat idaan sa traceable channels tulad ng checks, online fund transfers, direct credit sa deposit accounts o digital payments.

Inaatasan din nito ang mga bangko na mag-due diligence at maghain ng suspicious transaction reports kung lalampas sa limitasyon.

Maaari pa ring payagan ang mas malalaking withdrawal kung may maipapakitang karagdagang dokumento o lehitimong layunin.

“This circular will make it cumbersome to deliver large volumes of cash in SOP’s, commissions and payoffs from one corrupt government contractor or influence peddler to another corrupt government official,” sabi ni Lacson sa kanyang X account (dating Twitter).

Ibinunyag kamakailan ni Lacson na nakatagpo siya ng malalaking suhol, kabilang ang isang beses na cash delivery na umabot umano sa P457 milyon.

“Magiging cumbersome na ‘yan sa maglalagay. Araw-araw maghuhulog siya ng P500,000.

Kung P30 milyon ang lagay, ilang araw yan, masusundan siya ng Anti-Money Laundering Council at ng bank official,” sabi pa niya.