Calendar
Mga kabataang ginawang riot ang rally arestado







NAGMISTULANG battle ground ang lugar at nagmukhang riot ng mga kabataan laban sa mga kapulisan – imbes na maglatag ng kanilang hinain – ang paanan ng tulay sa kahabaan ng Ayala corner Romualdez streets, matapos pagbabatuhin at sunugin ang container ng 14-wheeler truck, kabilang ang isang motorsiklo na pag-aari umano ng isang pulis, Linggo ng hapon.
Nagtagal ng halos dalawang oras na pinagbabato ng mga bote at malalaking tipak ng bato ng mga kabataan ang mga nagbabantay na pulis sa may paanan ng tulay.
Natapos ang tensiyon nang magpasiya ang mga kapulisan na pagdadamputin ang mga kabataan, makaraang dumating ang anti-riot police mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at Manila Police District (MPD).
Hindi bababa sa 25 na kabataan ang kabilang umano sa mga nambato at nanggulo sa bahagi ng Ayala Bridge sa Manila. Pinagbabato ng mga kabataan ang mga kapulisan na nakabantay sa paananan ng Ayala Bridge patungong Mendiola.
Ang trailer truck na sinunog ay pangharang sa mga nagra-rally sa paanan ng Ayala Bridge sa Ermita, Manila.
Samantala, bahagyang nagkaroon ng tensiyon sa kahabaan ng Roxas Boulevard corner Katigbak Drive matapos tanggalin ng mga nagra-rally ang mga nakaharang na barrier at itulak ang mga nakabantay na mga kagawad ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection umaga ng Linggo.
Bandang alas-11:30 ng umaga ay umabot na sa mahigit kumulang 80,000 katao ang nakiisa sa “Baha sa Luneta: Aksyon na Laban sa Korapsyon” rally, batay sa pagtaya ng Bagong Alyansang Makabayan.
Ayon naman sa NCRPO, nasa 7,000 ang crowd estimate sa paligid ng Luneta Grandstand.
Palasyo: Sumunod sa batas
Pinaalalahanan ng Malacañang ang mga nagra-rally na sumunod sa batas at iwasan ang gulo.
Ang mga kilos-protesta ay laban sa mga iregulardad sa flood control projects na napansin matapos ang malawakang pagbaha bunsod ng mga bagyo at habagat, at nang mag-utos ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng imbestigasyon sa mga palpak na flood control projects.
“Kung sila man ay magpapahayag ng kanilang damdamin, hindi dapat ito kokontra kung ano ‘yung minimithi ng gobyerno,” sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro.
Ang mga miyembro ng civil society ay humiling ng pananagutan sa gitna ng mga alegasyon ng “ghost projects,” iregularidad sa budget at contractors na nali-link sa mga politiko.
Binigyang-diin ni Castro na si Marcos mismo ang nag-utos ng imbestigasyon at nagsiwalat sa korapsyon sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo.
“Ang Pangulo mismo ang nagpasimula ng pag-iimbestiga na ito dahil nakita niya ang dulot ng mga maanomalyang flood control projects noong nakaraang ilang buwan – dahil sa dalawang bagyo at isang habagat,” ani Castro.
Mga nanggulo kakasuhan
Ayon sa Philippine National Police (PNP), tinatayang 300 hanggang 400 katao ang nasa may tulay sa Mendiola nang mangyari ang insidente. Rumesponde naman agad ang mga police personnel at firefighters para ma-contain ang sitwasyon.
Inihahanda ang mga karampatang kaso laban sa mga nanggulo, sinabi ni Brigadier General Randulf T. Tuano, tagapagsalita ng PNP.
“We respect the public’s right to peaceful assembly, but we strongly appeal to everyone to remain calm and refrain from violence. Such actions endanger lives and undermine the message of those who wish to protest peacefully,” aniya.
“The PNP remains committed to safeguarding both the public and demonstrators. We will continue to exercise maximum tolerance, but we will also act against anyone who causes harm or damages property. Rest assured, those responsible for these acts will be held accountable under the law,” dagdag niya.
Protesta sa Nueva Ecija, Bulacan
Sa Nueva Ecija at Bulacan, nagkaroon din ng mga protesta nitong Linggo laban sa korapsyon at bilang bahagi ng mga aktibidad ng iba-ibang grupo.
Sa Nueva Ecija, nagkaroon ng motorcade ang Scout Royal Brotherhood (SRB) Alumni Association-Cabanatuan Chapter mula sa Sta. Rosa patungong Cabanatuan City.
Sa pangunguna ni Manuel Lacanilao Santos, ngatipon ang grupo sa Enchanted MS Garcia Events Place at nanawagan na itigil ang korapsyon habang kanila ring isinelebra ang anibersaryo ng SRB.
Nagsimula ang motorcade ng ika-9:30 ng umaga at natapos ang pagtitipon pasado alas-12:40 ng hapon, kung saan 100 miyembro ang dumalo.
Sa Bulacan, nag-rally ang mga miyembro ng KASAMA BulSU at BulSU Bahaghari. Ito’y pinangunahan ni Lovely Vasquez ng KASAMA BulSU. Nagkaroon sila ng unity walk mula Malolos Cathedral patungong Bulacan Capitol Grounds, “Misa ng Dalangin at Pananagutan” at general assembly.
Ang kanilang “Martsa ng Masa Kontra Korapsyon” bilang pagkondena sa ghost flood control projects ay nagsimula ng alas-8:40 ng umaga at mga 500 katao ang dumalo.
Bandang ala-1 ng hapon, wala ng mga nagra-rally sa lugar, ayon sa monitoring ng Civil Disturbance Management.
Sinabi ng pulisya na pawang mapayapa ang mga aktibidad sa dalawang lalawigan. Nina JON-JON C. REYES, ALFRED DALIZON & BERNARD GALANG

