Calendar
Kelot pinaulanan ng bala sa Angeles City, buhay
ANGELES CITY — Dalawang lalaki ang nakaligtas sa kamatayan noong Martes matapos paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kanilang sasakyan sa Barangay Malabanias sa lungsod na ito.
Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., sinabi ng Angeles City police na naganap ang insidente sa harap ng Flying V gasoline station sa kanto ng Elvira at Narciso Streets.
Kinilala ang mga biktima na sina Dennis, 33, ng Concepcion, Tarlac, at Jonathan, 32, ng Angeles City. Sakay sila ng isang itim na van nang bigla nilang marinig ang isang putok ng baril.
Agad na tumakas ang dalawa at kalaunan ay iniulat ang insidente sa Police Station 4.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan ng mga pulis ang walong butas ng bala sa ibabang kaliwang bahagi ng upuang pang-driver. Sa kabila ng pinsala sa sasakyan, walang tinamong sugat ang mga biktima.
Humingi na ng kopya ng CCTV footage ang mga imbestigador at nag-request ng tulong mula sa Angeles City Forensic Unit (ACFU) para sa scene processing. Kapwa isinailalim din sina Baluyut at Velasco sa polygraph examination.
Patuloy ang follow-up investigation upang matukoy ang salarin at alamin ang motibo sa pamamaril.

