Sunog Source: Valenzuela City Police

4 na patay sa sumabog na bahay sa Valenzuela

Edd Reyes Sep 25, 2025
369 Views

UMABOT na sa apat ang nasawi sa naganap na sunog dulot ng malakas na pagsabog ng mga naka-imbak na kuwitis at pulbura sa isang bahay nitong Miyerkules ng tanghali sa Valenzuela City.

Una ng nasawi ang kambal na batang babae na pitong-taong gulang nang maganap ang pagsabog habang alas-4:52 naman ng hapon idineklarang patay ang dalawang-taong gulang na batang lalaki habang nakaratay sa Valenzuela Medical Center.

Alas-9:00 ng gabi naman nang ideklarang nasawi ang 13-taong gulang na batang babae habant nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center.

Nananatili namang nasa Valenzuela Medical Center ang mga sugatang babae na may mga alyases na sina Lita, 52, Rosita, 63, Evelyn, 31, Michaela 24, ang dalawang batang may mga edad na 9 at 7, at dalawang lalaking sina Roujay, 24, ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng pagsabog, at 5-taong gulang na batang lalaki

Magugunitang naganap ang pagsabog dakong alas-11:33 ng bago magtanghaling tapat sa 173 Pieces st. Batimana Compound, Brgy. Marulas na lumikha ng sunog na tumupok at nagwasak sa 11-bahay na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng may 10-pamilya.