Barbers Dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers

Barbers: Pagprotekta sa rioters hinihikayat ‘hooliganism’

220 Views

BINATIKOS ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang Commission on Human Rights (CHR) sa mistulang pagtatanggol umano nito sa mga indibidwal na lumabag sa batas sa isinagawang September 21 “Baha sa Luneta” mass protest rally.

Sinabi ni Barbers na habang kinikilala niya na tungkulin ng CHR na protektahan ang karapatan ng bawat indibidwal laban sa umano’y mga pang-aabuso sa karapatang pantao na maaaring nagawa ng Estado, ang mga aksyon umano nito ay maaaring makahikayat ng hooliganism sa hinaharap.

Ang hooliganism ay inilalarawan bilang magulo o ilegal na pag-uugali ng mga kabataan o grupo gaya ng pag-riot, pananakot at vandalism, na madalas ay nagaganap sa mga sporting event o protest rally.

“If the masked hooligans we saw on social media and TV doing violent acts and disrupted orderly protest rallies at Luneta Park, Ayala Bridge and Chino Roces Bridge last September 21would be ensured by CHR of protection and legal assistance, it would most likely embolden, promote and encourage hooliganism in the future,” ani Barbers.

“And what about the rights of the owners of the destroyed and looted hotel and nearby shops and stores in Mendiola, their employees who were robbed of money and their belongings, the police officers who were injured ― mauled and stomped with stone and glass bottles. Can or will the CHR also extend a helping hand to these aggrieved officers, businessmen and civilians?” tanong niya.

Bukod sa pagmamanman sa kalagayan ng mga naarestong indibidwal sa Manila Police District (MPD), naglabas ng pahayag ang CHR na nagsasabing magsasagawa ang ahensya ng patas na imbestigasyon na kinabibilangan ng umano’y harassment sa media at posibleng paglabag sa mga panuntunan ng pulisya ukol sa paggamit ng puwersa.

Iniulat na umabot sa 200 hooligans ang inaresto at ikinulong ng MPD (bago isampa ang kaso) sa ginanap na Sept. 21 Baha sa Luneta Rally.

Samantala, hinimok din ni Barbers ang Philippine National Police, partikular ang mga opisyal ng MPD, na hikayatin ang mga kamag-anak ng mga naarestong sinasabing hooligans na isailalim ang kanilang mga kamag-anak sa boluntaryong drug test, hindi para sa kaso kundi para sa rehabilitasyon.

“Sabi ng ilang magulang ng naarestong mga bata na di nila alam na sumama ang kanilang mga anak sa rally sa Mendiola. So, posible rin na ang ilan sa mga batang ito, dahil sa hindi normal na asal na ating nasaksihan, ay gumagamit din ng droga,” ayon sa dating chairman ng House committee on dangerous drugs at lead chair ng House quad committee.

Sinabi ni Barber na ang tila organisadong magulong kilos ng mga kabataang nakasuot ng itim na reportedly binayaran ng tig-P3,000 ay hindi normal, gaya ng makikita sa mga kuha sa social media at TV ng insidente.

“Sa tingin ko, bukod sa ‘sinusian’ at binayaran ang mga ito ng tig-P3,000, at dahil sa obvious na hindi normal na kanilang galawan, ay kargado rin ang mga batang ito ng ipinagbabawal na gamot tulad ng shabu at rugby,” aniya.

Ang mga suspek, na unang nagsunog ng container van sa paanan ng Ayala Bridge at nambato ng mga awtoridad na nagbabantay sa tulay, ay muling nagtipon makalipas ang isang oras sa Mendiola kung saan sila’y nanipa, nanulak, at nambato ng bato, harang, bote, Molotov bomb at iba pang mabahong likido na hinaluan ng pintura, laban sa mga pulis na walang armas na nagbabantay sa lugar.

Sinabi ni Barbers na ang mga kuha sa TV at social media hinggil sa panloloob at paninira ng mga suspek sa isang hotel sa Recto Avenue malapit sa Mendiola at iba pang tindahan sa lugar ay nagpapakita na may iba silang agenda bukod sa Sept. 21 protest rally.

“Ayon sa mga report, gusto nilang pasukin at sunugin ang Malacañang,” aniya.