Madrona

DPWH hindi na kailangan buwagin para lang linisin ang korapsiyon sa loob ng ahensiya

Mar Rodriguez Sep 27, 2025
324 Views

KUNG si Romblon Lone District Representative Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona ang tatanungin. Hindi na kailangan pang buwagin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at magtayo ng panibagong departamento para lamang linisisin ang korapsiyong umiiral at namamayagpag sa loob ng naturang ahensiya.

Ang ibinigay na reaksiyon ni Madrona ay patungkol sa inilutang na ideya ng kapwa nito mambabatas na dapat buwagin na lamang ang DPWH at lumikha ng bagong ahensiya para linisin at puksain ang talamak na katiwalian sa loob nito.

Ikinatuwiran ni Bacolod City Representative Albee Benitez na hindi na aniya epektibo o sapat ang pagpapatupad ng reporma para matugunan ang tinawag nitong sistematikong graft and corrution na matagal ng kalakaran sa loob at labas ng DPWH.

Gayunman, sinabi naman ni Madrona na hindi naman kailangan “gibain ang buong bahay para lamang mawala at mapuksa ang mga naninirahang daga sa loob nito” na nangangahulugan aniya na hindi dapat buwagin ang buong DPWH kung ang layunin lamang ay masawata ang talamak na korapsiyon sa ahensiya.

Ipinaliwanag ng beteranong mambabatas na ang kailangan ay ang pagpapatupad ng mas mahigpit na hakbang at ang pagsusulong ng mga panukalang batas para mapanagot ang mga taong sangkot sa katiwalian kasama na dito ang kanilang mga kasabwat na contractors.

Binigyang diin pa ni Madrona na ang pinaka-importante sa lahat, ang dapat na ilagay na pinuno ng DPWH ay may matibay na paninindigan, matatag na prinsipyo at mayroong kamay na bakal laban sa korapsiyon katulad ng kasalukuyang Kalihim ng DPWH na si Vince Dizon.

Ayon sa kongresista, ang isa rin sa mga pamamaraan para mapuksa ang katiwalian sa loob ng DPWH ay ang seryosong pagsasampa ng kaso laban sa mga tauhan nito na sangkot sa irregularidad sa mga proyekto ng pamahalaan kasama na ang mga tiwaling contractors.

“Hindi na kailangang buwagin ang DPWH sapagkat ang dapat lamang gawin ay ang pagpapatupad ng mga hakbang para makontrol ang katiwalian sa loob ng DPWH. Ang isa diyan ay ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga tauhan ng DPWH na sangkot sa katiwalian. Dapat walang sasantuhin, ang may kasalanan ay dapat kasuhan,” pagbibigay diin ni Madrona.