Lacson Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson

Lacson: RTC maaaring usisain misteryo ng ‘pekeng’ notaryo

351 Views

MAAARING makatulong ang Manila Regional Trial Court (RTC), ani Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson, upang linawin ang kontrobersyal na affidavit ni Orly Guteza, ang “surprise witness” sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Paliwanag ni Lacson, na siya ring namumuno sa Blue Ribbon panel, bahagi ng tungkulin ng executive judge ng RTC ang magsiyasat sa mga umano’y paglabag kaugnay ng notarized documents sa loob ng sakop ng hukuman.

“The Manila RTC can help unravel the mystery behind the now controversial Guteza affidavit since part of the executive judge’s function is to investigate violations relating to notarized documents within its jurisdiction. Was he just made to sign a prepared affidavit that he read during the committee hearing, and by whom?” ani Lacson sa X.

Nauna nang itinanggi ni Atty. Petchie Rose Espera ― na ang pangalan ay nakalagay sa sinumpaang salaysay ― na siya ay nag-notaryo, lumagda o tumulong sa paghahanda nito.

Ayon sa mga ulat, sinabi ng naturang abogado na ang lagda at notarial details na iniuugnay sa kanya ay “falsified and unauthorized.”

Sa pagdinig noong Huwebes, ipinakilala ni Sen. Rodante Marcoleta si Guteza, na umano’y ipinakilala sa kanya ni dating Rep. Michael Defensor, nang walang paunang abiso sa chairman ng komite.

Sa unang pagtatanong, kinumpirma ni Guteza na “pinanotaryo” niya ang salaysay at “totoo” ang notaryong nakalagay.

Ilang ulit namang nakita si Marcoleta na gumagabay kay Guteza sa pagbabasa mula sa affidavit, at sinabi niyang nabasa na niya ang dokumento noong draft pa lamang.

Sa hiwalay na pagdinig noong Martes, kinuwestiyon ni Marcoleta ang pagiging patas ni Lacson sa pagbabanggit ng panayam sa telebisyon kung saan nagbigay ito ng personal na opinyon tungkol sa kredibilidad ng mga testigo. “Impartiality, my foot!” wika ni Lacson, na idinagdag pang nag-iiba ang kredibilidad depende sa usapin.

Noong Biyernes, hindi dumalo si Guteza sa nakatakdang pagpupulong kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla matapos maghain ng kahilingan para sa witness protection.

Iniimbestigahan din ng Department of Justice ang pagtanggi ni Espera na siya ay may kinalaman sa affidavit.

Samantala, dalawang dating kasamahan ni Guteza―sina Mark Bunagan at Allan Colesio―ay nagsumite rin ng mga affidavit na tahasan namang kumokontra sa kanyang alegasyon ng umano’y paghahatid ng pera sa mga bahay ng dalawang mambabatas.

Ayon sa mga ulat, nagpahayag silang handa silang tumestigo sa Senado o sa hukuman.