Suspek

Nag hide-and-seek na drug suspek nalambat

Edd Reyes Sep 27, 2025
222 Views

NASAKOTE ng mga pulis ang suspek sa pangangalakal ng ilegal na droga matapos magtago ng mahigit isang taon noong Biyernes sa Taguig City.

Natimbog ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) acting director P/BGen. Randy Arceo si alyas Ansing, 46, bunga ng pagbebenta at pag-iimbak ng ilegal na droga pasado alas-2:00 ng hapon.

Nahuli ang suspek ng puwersa ng District Mobile Force Battalion (DMFB) ng SPD, Makati police at Warrant and Subpoena Section ng Taguig police si alyas Ansing sa Reposar St., Purok I, Taguig.

Naging basehan ng mga pulis sa pagdakip sa pugante ang warrant of arrest ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Judge Bernard Pineda Bernal ng Branch 70 noong Marso 11, 2024, para sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Pansamantalang ipiniit sa custodial facility ng Taguig police ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglipat sa kanya sa Taguig City Jail.