PDLs

PDLs pinagtulungan matulungan ng Caloocan, BJMP, BPI

Edd Reyes Sep 27, 2025
275 Views

NAGTULUNGAN ang Caloocan City Local Economic and Investment Promotion Office (LEIPO), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bank of the Philippine Islands (BPI) para bigyan ng mas malawak at disenteng lugar ang mga persons deprived of liberty (PDLs) upang maging komportable sila sa paglikha ng mga pagkakakitaan habang nasa loob ng Caloocan City Jail.

Layunin ng collaboration na mapalakas ang rehabilitasyon sa mga PDLs kasabay ng pagkakaroon ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na maibebenta tulad ng basahan, bag, maliit na barko at iba pa.

Nagpasalamat si Caloocan Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa tulong ng mga pampublikong ahensiya at pribadong bangko para mapagkalooban ng oportunidad ang mga PDLs.

“Gaya po ng lagi kong sinasabi, hindi tayo mag-aatubili na ipatupad ang batas laban sa mga lumalabag dito, pero hindi rin natin nakakalimutan ang ating responsibilidad na pairalin ang due process at tamang hustisya para sa lahat, kabilang na ang mga PDL,” pahayag ni Mayor Along.