bro marianito

Makuntento tayo sa mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng panginoong Diyos (Mateo 11:20-24)

314 Views

“Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi”. (Mateo 11:21)

BAKIT ba may mga tao ang hindi marunong makuntento at madali agad silang magsawa? Lagi silang naghahanap ng bago. Kapag nagsawa na sila sa isang bagay ay maghahanap na naman ng iba hanggang sa paulit-ulit na lamang sila sa ganoong sitwasyon.

Ganito rin tayo minsan sa mga “blessings” sa atin ng Panginoon, hindi rin tayo marunong makuntento sa mga dumarating na biyaya sa ating buhay at kadalasan pa nga’y nakukuha pa natin magreklamo.

Minsan sa ating pananalangin ay nagrereklamo tayo sa Diyos sa halip na magpasalamat. Sinasabi natin “Lord bakit yung si ganito mas umaasenso kaysa sa akin samantalang masama naman ang ugali ng taong iyon?”

Lord bakit kakaunti lang ang mga blessings ko?” Marahil ay totoo ang kasabihan na nagiging mahalaga lamang ang isang bagay na dati nating binabalewala kung ito’y nawala na sa atin. Minsan dito natin mapagtatanto na masuwerte pala tayo dati sa napakaraming bagay o biyaya na hindi natin nakikita.

Napagninilaynilayan o napapag-isipisip na lamang natin ito ngayon sapagkat tuluyan ng nawala ang mga blessings na hindi natin pinahahalagahan dati.

Malimit tayong magreklamo dahil paulit-ulit na lamang ang ating pagkain. (ang reklamo natin ay nakakasawa na) Sagana tayo sa maraming pagkain kahit nagsasawa na tayo, samantalang ang ibang tao ay halos hindi na malaman kung saan sila kukuha ng kanilang kakainin.

Hindi tayo marunong magpasalamat sa biyayang ipinagkaloob ng Diyos satin para hindi tayo magutom, samantalang ang mga tao sa ating paligid na hindi kasing palad natin ay masaya at kuntento na sa pagkaing dinampot lamang nila sa basurahan o yung “pagkaing pagpag”.

Kaya minsan lumalabas na mas mapalad pa ang mga taong naghihikahos at salat sa buhay kumpara sa mga taong namumuhay ng sagana.

Sapagkat naghihirap nga sila sa buhay pero kuntento na sila sa mga bagay na mayroon sila, iyon lang ay ipinagpapasalamat na nila sa Diyos.

Samantalang tayo na namumuhay ng sagana, nasa atin na ang lahat ng bagay.

Subalit ang tanong ay kung marunong ba tayong magpasalamat at mag-appreciate ng ating mga blessings mula sa Panginoon?

Katulad din ng ilan sa atin ang mga taga-Corazin at mga taga-Bethsaida na binabanggit ng ating Panginoong Hesus sa Mabuting Balita (Mateo 11:20-
24) dahil hindi rin sila naging masaya sa mga biyaya at himalang ipinagkaloob sa kanila ni Hesus.

Kaya ang winika sa kanila ni Hesus: “Kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa kanila ay matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi (Mateo 10:21).

Ang bayan ng Corazin, Bethsaida at Capernaum ang tatlong bayan kung saan gumawa ng maraming himala si Hesus. Dito rin pinagaling ng Panginoon ang mga bulag at pinarami ang mga tinapay at isda para sa limang libong katao.

Ngunit matitigas ang ulo ng mga tao dito, ayaw nilang makinig at manampalataya kay Hesus sa kabila ng lahat ng mga kababalaghan o milagrong nasaksihan nila.

Kaya inihambing sila ni Kristo sa mga taga-Tiro at taga-Sidon at sa mga taga-Sodom na mayayabang at napakatigas ng ulo.

Nagpapakita lamang ito na manhid sila sa kagandahang loob ng Diyos.
May mga pagtataon sa ating buhay na nawawala sa atin ang mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos, hindi niya ito binawi dahil nais niya tayong parusahan.

Kundi nais lamang ng Panginoon na matuto tayong `magpahalaga sa mga biyayang nasa sa atin.

Minsan duon lamang natin nakikita ang halaga o “value” ng isang tao sa ating buhay na dati nating binabalewala kung kailan nawala na siya.

Pagkatapos ay duon lamang tayo makakaramdam ng panghihinayang, may magagawa pa ba ang “sana?”

“Sana nuon pa ay minahal ko na siya, sana ay na-appreciate ko ang lahat ng mga ginagawa niya para sa akin.

Walang mangyayari sa ating mga “sana”.

Sana ngayon pa lamang ay matuto na tayong magpasalamat sa mga biyayang ibinibigay sa atin ng Diyos.

Manalangin Tayo: Panginoon, nagpapasalamat po kami sa mga biyayang ipinagkaloob mo po sa amin.

Nawa’y matutunan namin ang magpasalamat sa halip na magreklamo, ipinapanalangin din namin na sana’y biyayaan mo rin ang mga taong mahihirap at salat sa buhay.

AMEN