bro marianito

Si Lord ay hindi nauubos at naluluma kaya siya ang unahin natin sa ating buhay (Juan 6:22-29)

36 Views

“Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan. Kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan”. (JUAN 6:27).

BAKIT ba natin hinahanap ang Diyos? Sa paghahanap natin sa Panginoon, mayroon tayong kaniya-kaniyang kadahilanan. May naghahanap sa Diyos sa dahilang ang kaniyang buhay ay kubkob ng patong-patong na suliranin.

Hinahanap ng isang tao ang ating Panginoon para hingiin ang kaniyang awa at tulong para maibsan ang bigat ng problema na nagpapahirap sa kaniyang buhay. Para sa kaniya: tanging ang Diyos lamang ang solusyon o kasagutan sa kaniyang pagdurusa.

Subalit may ilan ang naghahanap sa Diyos para hingiin ang kaniyang tulong at grasya upang resolbahin ng Panginoon ang “financial problem” na kasalukuyan nilang sinasagupa sa buhay dulot marahil ng matinding krisis o kahirapan.

Ano pa man ang ating kadahilanan sa paghahanap natin sa Diyos, tandaan lamang natin na ipinapaalala sa atin ng Mabuting Balita (Juan 6:22-29) ang pagtitiwala sa Diyos. Hanapin natin si Jesus sapagkat siya ang totoong pagkain na nagbibigay buhay.

ANG MGA PAGKAING NASISIRA:

Winika ni Jesus sa Ebanghelyo sa mga taong naghahanap sa kaniya na: “Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan” na tumutukoy sa mga bagay na naririto sa ibabaw ng mundo na mas kinahuhumalingan ng mga tao.

Minsan, kaya may mga mananampalataya ang napakasipag magsimba, magdasal at magpunta sa mga Simbahan dahil mayroon silang “mahigpit” na pangangailangan sa Diyos. Hinahanap nila si Lord hindi dahil sa pang-espirituwal kundi pang-materyal.

Mas naka-sentro ang kanilang pananalig sa Panginoon sa aspeto ng materyal na bagay. “Lord, gusto ko po ng ganito, Lord, gusto ko pong tumama sa lotto, Lord, gusto ko pong yumamana o kaya ay Lord payamanin mo naman ako”.

Hindi naman sinasabi ng Diyos na masama ang mag-asam ng kaginhawahan sa buhay. Ang itinuturo lamang niya sa Mabuting Balita ay huwag natin pagsikapang kamtin ang mga “pagkaing nasisira” na tumutukoy sa yamang lupa na ibinibigay ng mundo.

SINO BA TALAGA ANG TUNAY NA “LORD” SA BUHAY MO?

Minsan, hindi natin maikakaila na mas marami pang panahon ang mga tao ngayon sa kanilang mga gadgets. Sa pagmulat pa lamang ng kanilang mata, nakahawak na agad sila sa kanilang cellphone o kaya sa kanilang tablet at nakatutok na agad sa social media.

Sa harap ng hapag-kainan, cellphone parin ang kanilang hawak-hawak sa halip na makipag-usap sila sa kanilang magulang, kapatid o sinomang miyembro ng kanilang pamilya na kasalo nila sa almusal, tanghalian o hapunan.

Mas maraming oras at panahon ang kanilang ginugugol sa mga bagay na ito na binabanggit ni Jesus na nasisira at naluluma. Subalit ang personal na ugnayan natin sa ating pamilya lalong lalo na kay Lord ay hindi kailanman masisira at mauubos.

Sinasabi natin na si Lord ang ating Diyos. Subalit ang mga gadgets, ang mga materyal na bagay at ang kayamanan sa mundong ito na pinag-uukulan natin ng mas maraming panahon ang “totoong kumokontrol” sa buhay natin. Samantalang ang totoong Diyos ay lumalabas na pangalawa na lamang sa ating buhay.

ARAL NG PAGBASA:

Balikan natin ang winika ni Jesus sa ating Pagbasa. Ang mga bagay nasisira o kaya’y nauubos ang huwag natin pagsikapang kamtan sa ibabaw ng mundo. Ang mga bagay na ito ay panandalian lamang samantalang ang tunay na pagtitiwala at pananalig natin sa Diyos ay mananatili at magtatagal.

Tandaan lamang natin na gaano man karami ang ating kayamanan, ari-arian at male-maletang pera. Kung wala ka naman pinaniniwalaan st sinasampalatayanang Diyos. Ang buhay natin ay mananatiling “walang laman” (a life of emptiness).

Maraming kilalang personalidad ang nabuhay dito sa ibabaw ng mundo subalit ang kanilang buhay ay hindi naging masaya sa kabila ng kanilang kasikatan at karangyaan. Lahat ng magagandang bagay na pinapangarap ng isang ordinaryong tao ay nasa kanila na pero hindi parin nito naibigay ang kaligayahang hinahanap nila.

Bakit? Sapagkat ang totoong kaligayahan ay mahahanap o matatagpuan mo lamang kay Lord na inilarawan sa Ebanghelyo bilang pagkaing hindi nasisira. Ang ibig sabihin, ang pagtanggap natin sa Diyos sa ating buhay.

Mabuti pa pala ang mga taong salat sa kayamanan at karangyaan. Kahit naghihikahos ang kanilang buhay, hindi mo sila makikitaan ng kalungkutan. Bagkos, masaya parin sila. Bakit? Dahil kapos man sila sa materyal na bagay. Ang makakain lamang sila ng kaunti sa maghapon ay masaya na sila.

Kahit kakarampot lamang ang kanilang pinagsasaluhan, nagtataka tayo bakit masaya parin sila. DAHIL HINDI NILA NAKAKALIMUTAN ANG MAGPASALAMAT SA DIYOS. Sa Diyos sila umaasa at hindi sa mga bagay na pansamantala lamang.

PARA HAPPY ANG BUHAY MO. SI LORD ANG UNAHIN MO:

Ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo na si Lord ang unahin natin at huwag ang mga materal na bagay o ang kayamanan dito sa mundo. Ang hanapin natin ay ang bagay na hindi mauubos. Anomang problema ang dumating sa buhay natin. Hindi tayo basta-basta matitinag dahil ang ating kinakapitan ay ang Panginoong Diyos.

AMEN