Edd Reyes

Masangsang na amoy mula Navotas landfill umabot P’que, Pasay, Makati

Edd Reyes Apr 29, 2026
23 Views

NANG hamunin ni dating Senador Antonio Trillanes IV na magpa-drug test si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong taong 2018, todo palag si dating Presidential Spokesperson Harry Roque at sinabing hindi raw puwedeng utusan o diktahan ng kahit sino ang Pangulo.

Noon namang Mayo ng taong 2020, isang petisyon na nilagdaan ng 11,000 katao ang inihain sa Korte Suprema na humihiling na ilabas sa publiko ang medical at psychological records ni Pangulong Duterte na kalaunan ay ibinasura ng Mataas na Hukuman

Abril naman ng taong 2025, si Harry Roque, na nagsabing hindi puwedeng utusan o diktahan ng sinoman ang Pangulo ng Pilipinas ang humamon kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na magpa-hair follicle drug test.

Nitong Abril 15, 2026, isang petisyon naman ang inihain ng isang grupong kilalang ka-alyado ng pamilya Duterte sa Korte Suprema na humihiling na magpasailalim sa medikal at mental na pagsusuri, pati na hair follicle drug test, si Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Kasunod ito ng inihaing petisyon para sa writ of mandamus ng nagpakilalang grupo ng United People’s Initiative na kinabibilangan ng mga retiradong opisyal ng militar na nagbunsod sa Korte Suprema na atasan ang Pangulong BBM at si Executive Secretary Ralp Recto na sagutin ang naturang petisyon sa loob ng 10-araw.

Tumugon naman dito ang Malacanang matapos tiyakin ni Presidential Spokesperson Atty. Claire Castro na tatalima sila sa kautusan ng Korte Suprema.

Pero kung saka-sakali ba na tanggapin ng Pangulong BBM ang hamon ng mga kilalang ka-alyado ng pamilya Duterte at mapatunayang wala siyang malubhang sakit at hindi rin napatunayan ang bintang na gumagamit ng ilegal na droga, tatanggapin kaya ito ng mga Diehard Duterte Supporters (DDS)?

Sarado na kasi ang isipan ng mga DDS sa lahat ng paliwanag, kahit pa nga may mga dokumento, dahil tiyak na sasabihin na peke, tampered, o dinoktor ang mga medical report kaya walang saysay para pagbigyan ang kanilang kapritso.

Ang mahalaga, nakikita, at nararamdaman ng publiko ang pagtatrabaho ng Pangulo at pagsisikap na gumawa ng mga hakbang upang maibsan ang nararanasang hirap ng buhay ngayon ng mga ordinaryong manggagawang Pilipino.

Sunog sa Navotas Sanitary Landfill, halos tatlong linggo na

WALA pang kasiguruhan kung kailan tuluyang maaapula ang sunog sa Navotas Sanitary Landfill kahit halos kalahati na ng malawak na tambakan ng basura ang natabunan at naapula ang apoy.

Noon ngang araw ng Linggo, umabot pa hanggang sa Paranaque, Pasay, at Makati ang masangsang na amoy ng usok na nagmumula sa landfill nang mabaling doon ang direksiyon ng hangin na nakaapekto sa negosyo ng mga karinderiya sa kalye sa naturang mga lungsod.

Hindi naman puwedeng isisi sa Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang nangyayaring sunog dahil hindi naman sila ang namahala sa operasyon ng landfill kundi pribadong kompanya. Pero dahil sakop ng lungsod ang lugar, kumilos kaagad si Mayor John Rey Tiangco at humingi ng tulong sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga dayuhang eksperto gaya ng JICA para masugpo ang sunog.

Kung tutuusin, wala naman talagang may gusto sa nangyari pero magsisilbi na ring aral ito sa mga operator ng iba pang landfill upang tiyaking maayos na maisasagawa ang rehabilitasyon bago iwanan ang pamahahala sa mga tambakan ng basura.

Ang sigurado lang, hindi puwedeng walang managot sa halos tatlong linggo ng sunog sa naturang landfill.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com