Calendar
SUMUKO SA NBI – Iniharap ni NBI Director Jaime Santiago ang dalawang akusado sa Barayuga murder case na boluntaryong sumuko sa NBI agents sa Maynila at Bacolod.
Kuha ni JON-JON C. REYES
2 akusado sa Barayuga murder case sumuko sa NBI
KASUNOD ng paglabas ng warrant of arrest na nagmula sa pinagsamang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), boluntaryong sumuko ang dalawa sa mga akusado sa pagpatay kay Wesley Barayuga sa NBI-Organized and Transnational Crime Division (OTCD) noong Lunes ng hapon.
Ayon sa report, si Wesley Barayuga, na noon ay Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) board secretary at retiradong pulis, at ang kanyang drayber ay pinagbabaril noong Hulyo 30, 2020, ng mga armadong sakay ng motorsiklo habang binabagtas ang panulukan ng kalye Calbayog at Malinaw sa Mandaluyong City.
Namatay si Barayuga sa pinangyarihan habang ang kanyang drayber na nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ay isinugod sa Victor R. Potenciano Medical Center sa EDSA.
Upang magbigay liwanag sa pagpaslang kay Barayuga, isang DOJ-NBI composite team ang itinatag ayon sa utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Nakipag-ugnayan ang team sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para magsagawa ng joint investigation na naglalayong magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga salarin sa likod ng pagpaslang.
Sa pagdinig ng quad committee ng House of Representatives noong Setyembre 27, 2024, inamin ni PLt. Col. Santie F. Mendoza at ng kanyang impormante na dating pulis na si Nelson E. Mariano ang kanilang pagkakasangkot sa insidente.
Idinawit nila ang dalawang dating matataas na opisyal ng PNP—sina PCSO General Manager Royina Marzan Garma at National Police Commission (Napolcom) Chairman Edilberto Dela Cruz Leonardo bilang utak sa likod ng pagpatay kay Barayuga.
Pinatunayan ng mga testimonya nina Mendoza at Mariano sa pagdinig ng quad comm ang mga natuklasan ng joint investigation ng NBI-OTCD at PNP-CIDG.
Dahil dito, inirekomenda ng team na kasuhan sina Garma, Leonardo, Jeremy Z. Causapin a.k.a. Toks, Mendoza at Mariano ng murder at frustrated murder.
Kasunod nito, naglabas ang Regional Trial Court Branch 279 ng Mandaluyong City ng arrest warrant laban sa mga nabanggit na indibidwal.
Nagpahayag naman sina Mariano at Mendoza ng kanilang intensyon na sumuko sa NBI. Noong Setyembre 29, boluntaryong sumuko si Mariano sa NBI-OTCD sa Maynila.
Noong Setyembre 30, lumipad patungong Bacolod City ang NBI-OTCD agents para ipatupad ang arrest warrant laban kay Mendoza, na boluntaryo ring sumuko.
Pinuri ni NBI Director Jaime B. Santiago ang NBI-OTCD agents at nagpasalamat sa PNP-CIDG sa kanilang matagumpay na imbestigasyon na humantong sa pagsuko nina Mariano at Mendoza.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa mga pagsisiyasat sa krimen.

