Holdap

4 na kawatan hinoldap convenience story gamit toy gun

323 Views

NAARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na holdaper, dalawa dito ay empleyado ng pinagnakawang convenience store sa Barangay San Antonio, Quezon City noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga suspek na si alyas “Harry”, 21, empleyado ng tindahan na naka-duty noong oras ng pagnanakaw; “Kenneth,” 20, dating empleyado ng tindahan; “Julius,” 23, at isang menor de edad.

Sa ulat kay QCPD Acting District Director, P/Col. Randy Glenn Silvio, pumasok sa convenience store ang mga suspek at nang makitang wala nang iba pang kostumer ay agad tinutukan ang kahera at tinangay ang P28,000 kita ng tindahan saka tumakas.

Agad namang ini-report ang insidente sa Masambong Police Station sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rolando Baula at agad nagsagawa ng follow-up operation.

Sa inisyal na imbestigasyon, unang nadakip si Kenneth at itinuro ang dalawang kasabwat na sina Julius, at isang menor de edad na naaresto sa Brgy. Vasra, Quezon City.

Nakumpiska sa kanila ang isang .45 caliber toy gun replica na ginamit sa insidente at P13,200 na bahagi ng ninakaw na pera.

Inginuso din ng mga ito ang empleyadong si Harry na siyang utak umano ng nakawan kaya inarresto din ito ng mga awtoridad.

Ang apat na suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code (Robbery/Hold-up) at Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) sa Quezon City Prosecutor’s Office.