Atienza

Pagbangon muli ng Manila Zoo, ipinanawagan ni VM Atienza

Edd Reyes Oct 1, 2025
229 Views

NANAWAGAN si Manila Vice Mayor Chi Atienza ng pagkakaroon ng matatag na public-private partnership upang buhayin muli at ibalik ang pagiging tanyag ng Manila Zoo.

Ang panawagan ni Atienza ay ginawa sa sermonya ng paggawad ng parangal sa zoo photography contest Martes ng hapon, kasabay ng kanyang paggunita sa panahong kilala bilang pinakasikat na puntahan ang Manila Zoo sa Maynila.

“Mayroon tayong elepante, matataba ang lahat ng mga animals, at talagang ‘pag pumupunta dito, kahit papano, nakakalimutan nila ang problema nila pag-uwi nila sa mga bahay,” sabi pa ni Atienza.

Gayunman, sa paglipas aniya ng panahon, napuna niya na napabayaan na ang mga hayop sa zoo kaya’t ito ngayon ang binibigyan nila ng prayoridad ni Mayor Isko Moreno Domagoso bilang bahagi ng kanilang layuning maging sentro ng turismo ang Maynila.

Aminado ang bise alkalde na hindi kayang solohin ng lokal na pamahalaan ang rehabilitasyon ng Manila Zoo kaya’t nagbigay siya ng bukas na paanyaya sa mga negosyate at publiko na mag-ambag bilang suporta sa ikabubuti ng lungsod.

“When we assumed office, I asked if I could personally help revive Manila Zoo because I believe it gives hope to the Manileños,” sabi ng bise alkalde.

“Kung mayroon kayong mga ideas para tulungan kami kung papaanong mapabuti ang pamamalakad sa gobyerno, puntahan niyo lang po kami dahil bukas na bukas po kami sa inyo,” panawagan pa niya sa mga negosyante.

Sinabi niya na gumagawa na rin ang kanyang tanggapan ng mga hakbang upang humingi ng tulong sa mga katabi nating bansa na magdala ng bagong mga hayop sa zoo at marami naman aniya ang nangako na tutulong.