Vargas

Pambansang panalangin suportado ni Rep. Vargas

Mar Rodriguez Oct 12, 2025
235 Views

NAKIKIISA si House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th district Rep. Patrick Michael “PM” Vargas sa panawagan ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na maglunsad ng pambansang panalangin sa gitna ng sunud-sunod na kalamidad sa bansa.

Nagpahayag ng pagkabahala ang House Deputy Majority Leader matapos ang magkakahiwalay subalit panay-panay na paglindol sa iba’t-ibang bahagi ng bansa tulad ng Cebu City at Davao Oriental na sinalanta ng 6.9 at 7.8-magnitude na lindol.

Para kay Vargas walang ibang paraan para mahinto na ang nakababahalang paglindol sa bansa kungdi ang pag-aalay ng panalangin ng lahat ng mamamayan upang hingiin ang awa at patnubay ng Panginoon sa harap ng mga problemang kinakaharap ng ating bansa.

Sinang-ayunan din ng kongresista ang pahayag ni CBCP President Cardinal Pablo Virgilio David na maaaring nagbibigay ng mensahe ang Diyos para sa lahat ng Pilipino na dapat ng magbalik loob sa Panginoon at tumalikod sa paggawa ng kasalanan lalo na ang pakikilahok sa iba’t-ibang uri ng korapsyon.

Hinikayat ni Cardinal David ang mga Simbahan at religious community na makibahagi sa “National Call to Prayer and Public Repentance” kung saan hinihimok nito ang bawat isa na manalangin tuwing linggo at kung maaari ay araw-araw.

Samantala, ipinabatid ni Vargas na namahagi sila ng health care cards sa mga miyembro ng School Parents and Teachers Association (SPTA) bilang bahagi ng layunin nito na mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng bawat isa.

Ayon kay Vargas, layunin ng programang ito na magkaroon ng isang maayos, malusog at ligtas na paaralan sa Quezon City.